Skip to content

August 18 - 7 am NEWS

August 18 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 18, 2026 | 8:40 AM

Bawal ang palakasan sa presidential scholarship program at puwedeng ireklamo ang mga barangay na aabuso sa pagpili ng mga benepisyaryo.

Ito ang tiniyak ng Malacañang matapos umikot sa social media ang alegasyon na anak umano ng isang barangay kapitana ang unang nabigyan ng scholarship.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, graduating college student na nanganganib huminto sa pag-aaral dahil sa kakulangan sa pera ang pangunahing kuwalipikado.

Barangay officials at Sangguniang Barangay ang pumipili ng scholars, katuwang ang Liga ng mga Barangay at Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Kung mayroon man na umaabuso, huwag po silang mag-atubili at huwag matakot na ireklamo po ito sa Liga ng mga Barangay national office at sa DILG,” ani Castro. (Prince Golez)

---

Nagsampa ang Pilipinas ng 27 diplomatic protest laban sa China dahil sa mga ginawa nito sa West Philippine Sea sa unang kalahati ng 2026.

Ayon sa National Maritime Council, iniharap ng Department of Foreign Affairs ang mga protesta bilang pagtutol sa illegal, coercive, aggressive at deceptive actions ng Chinese Coast Guard at iba pang maritime forces ng China.

Sinabi naman ng Philippine Coast Guard na mas kaunti ang mga naiulat na insidente ng Chinese maritime forces sa WPS kumpara noong nakaraang taon.

Patuloy namang binabantayan ng PCG ang aktibidad ng China sa Bajo de Masinloc, kung saan nananatili ang tatlong floating buoys.

---

Pinuna ni Senator-judge Erwin Tulfo ang dating Special Disbursing Officer ng Office of the Vice President na si Gina Acosta na nagsabing hirap siya sa pagsasalita ng Tagalog kaya’t hiniling niya na kung maaaring Bisaya ang kanyang gamiting wika sa paglilitis.

Sa impeachment trial nitong Lunes, Agosto 17, ipinakita pa ni Tulfo ang transcript ng pagdinig noon sa Kamara de Representantes kung saan sumasagot ng Tagalog si Acosta sa bawat tanong sa kanya ng mga kongresista.

“Hindi ko po maintindihan bakit parang dito hirap na hirap po siya mag-Tagalog when in fact sa Congress po noong November, Tagalog naman po ang sagot niya. Ang tanong po sa kanya ni Congressman [Gerville] Luistro, “payment of incentive?” “11 po”, sabi ni Tulfo.

“It’s all, puro Tagalog, Mr. President, what is this? I mean, mabuti po sana pati ‘yung discretionary. She’s a government official. She doesn’t know what discretionary means is? What it means, dito po, sumasagot naman po siya. English, Tagalog. “Yes po.” “Are you aware?” “Opo, of my authority, special disbursing officer?….Tama na po itong panloloko sa atin,” himutok pa niya.

Hiniling pa ni Tulfo kay Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na obligahin si Acosta na magsalita ng Tagalog dahil kaya naman nitong magsalita ng wikang ito.

“Tinatanong kayo ng English, sumasagot po kayo. Bakit ngayon parang hirap na hirap? Kailangang i-translate sa Tagalog, sa Bisaya. Sagot, Tagalog, Bisaya, Tagalog, Bisaya. Eh abutin po tayo ng isang taon dito…” ani Tulfo. (Dindo Matining)