Skip to content

August 18 - 6 am NEWS

August 18 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 18, 2026 | 7:58 AM

Pinatawan ng pansamantalang suspensiyon ng Bureau of Customs (BOC) ang opisyal ng port police sa Zamboanga City, na umano’y ama ng estudyanteng suspek sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University junior high school campus Martes ng umaga.
Kinumpirma ito ni Customs Deputy Chief of Staff Atty. Chris Bendijo.
Aniya, sasailalim sa imbestigasyon ang kanilang empleyado para matukoy ang kaniyang posibleng pananagutan sa insidente.
Una na kasing nadiskubre sa inisyal na imbestigasyon na ang ginamit na baril ng estudyanteng suspek sa pamamaril ay pag-aari ng kaniyang ama. Dalawang matataas na kalibre ng baril ang ginamit ng suspek sa krimen, isang 9mm pistol at isang M16 rifle
Samantala, hindi na nagbigay ng karagdagan pang detalye ang kawanihan.
Nauna nang kinumpirma ng Police Regional Office (PRO) 9 na dalawang estudyante ang kumpirmadong nasawi kabilang ang mismong shooter, na nagbaril sa sarili kasunod ng pamamaril sa campus.

---

Pinalawig ni Senator Loren Legarda ang kanyang medical leave hanggang Agosto 19, ayon kay Senate Secretary Renato Bantug nitong Lunes.
Nakatanggap aniya ang Senate Secretariat ng liham mula sa tanggapan ni Legarda nitong Lunes ng umaga na nagsasabing mananatili muna sa leave ang senador.
Mula Agosto 3, hindi na dumadalo si Legarda sa mga sesyon ng Senado at sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Nauna siyang nag-file ng medical leave mula Agosto 3 hanggang 5, at nitong Agosto 11 hanggang 12.
Napaulat na umalis ng bansa si Legarda noong Agosto 2 at nagtungo sa France.
Samantala, kasabay ng kanyang pagliban ang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman sa mga reklamong plunder at graft laban sa kanya at sa kanyang anak na si Batangas Representative Leandro Leviste.

---

Nahaharap sa mga banta ng pagbaha at pagguho ng lupa ang mahigit 17,000 barangay sa bansa.
Kugnay nito, inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng preventive measures bago pa man lumala ang sitwasyon partikular na sa mga komunidad na natukoy na bulnerable sa mga pagbaha at pagguho ng lupa para maprotekatahan ang mga buhay at matiyak na naisasagawa nang walang pagkaantala ang emergency response operations.
Inatasan din ng DILG ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng pre-disaster risk assessments saklaw ang iba’t ibang hydrometeorological hazards gaya ng baha, landslide, debris flow at malalakas na hangin.
Inatasan din ang mga ito na magpatupad ng preemptive o mandatory evacuations sa mga paulit-ulit na naapektuhang komunidad kapag kinakailangan kasabay ng pagtiyak na mayroong maaasahang power at operation generators sa evacuation centers at health facilities.