Skip to content

August 17 -7 am NEWS

August 17 -7 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 17, 2026 | 7:30 AM

Mariing pinalagan ng grupong August Twenty One Movement (ATOM) ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi “ill-gotten” o nakaw ang ilang kayamanan ng kaniyang pamilya.

Ang grupong ATOM ay nabuo matapos mapaslang si dating Senador Benigno Aquino Jr. noong 1983 at kilala sa naging papel nito sa 1986 People Power Revolution, na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ni Pangulong Marcos Jr.

Sa isang statement, tinawag ng grupo ang pahayag ng Pangulo na hindi totoo at fake news.

Bagamat hindi na umano ito nakakagulat dahil kilala na aniya ang Marcos sa pagsisinungaling at propaganda.

***

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang panukalang batas na magtataas sa sahod ng mga special needs education (SNed) teachers upang matugunan ang kakulangan ng mga guro para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Sa ilalim ng House Bill 5574, itataas mula Salary Grade 14 tungo sa Grade 16 ang minimum salary grade ng SNed teachers sa mga pampublikong paaralan.

Katumbas ito ng basic pay na P45,694 kada buwan ngayong taon at P47,829 pagsapit ng 2027.

Ayon kay Yamsuan, kailangan ng sapat na bilang ng SNed teachers upang mabigyan ng pantay na oportunidad sa edukasyon ang mga mag-aaral na may kapansanan.