Skip to content

August 17 -6 am NEWS

August 17 -6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 17, 2026 | 6:30 AM

Sinampahan ng iba’t ibang reklamo sa Office of the Ombudsman ang bise alkalde at dating alkalde ng Magalang, Pampanga dahil sa hindi naipatayong housing project para sa mga mahihirap na pamilya.

Sa tulong ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), inihain ang reklamo laban kina Vice Mayor Eller Pecson at dating Mayor Romulo Pecson na umano’y nagpasimula ng naturang proyekto.

Kabilang sa mga reklamong kinakaharap ng mag-anak na Pecson ang graft, grave misconduct, serious dishonesty, abuse of authority, at conduct prejudicial to the best interest of service.

Ayon sa legal counsel na si Atty. Jerome Asperin, umabot sa 1,706 na mahihirap na benepisyaryo ang nangarap magkaroon ng sariling bahay ngunit nabigo at walang napala.

***

Naranasan ang malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila ngayong araw dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan na dulot ng southwest monsoon o habagat.

Base sa datos mula sa Science Garden Station ng DOST sa Quezon City, umabot sa 201.7 milimetro (mm) ang ibinuhos na ulan sa loob lamang ng limang oras mula 9:00 AM hanggang 2:00 PM, katumbas ito ng isang buwan ng regular na pag-ulan.

Kung ikukumpara, nagdala ang Bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009 ng 455 mm ng ulan sa loob ng 24 oras na nagdulot ng makasaysayang pagbaha sa rehiyon.