Skip to content

August 14 - 7 am NEWS

August 14 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 14, 2026 | 8:51 AM

Pinadali ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paghulog ng kontribusyon sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Pag-IBIG Fund ng mga contract of service (COS) at job order (JO) workers sa gobyerno.

Sa Administrative Order No. 43 na nilagdaan noong Hunyo 3, inatasan ang mga ahensiya ng gobyerno na maglaan ng paraan para boluntaryong makaltas sa compensation ng COS at JO workers ang kanilang kontribusyon sa tatlong ahensiya.

Hindi naman ito awtomatikong kaltas. Kailangan munang pumayag ang worker bago gawin ang deduction.

Sa ilalim ng kautusan, ang mga ahensiya ng gobyerno na sakop nito ang siyang magre-remit ng nakaltas na kontribusyon sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG at kailangang tiyaking nasa oras ang paghuhulog.

Sakop ng AO 43 ang mga departamento, ahensiya, bureau at tanggapan ng national government, gayundin ang government-owned and controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs) na kumukuha ng serbisyo ng COS at JO workers.

Hinikayat din ang mga local government unit (LGU) na sundin ang nasabing kautusan. (Prince Golez)

---

Nakakuha ang Pilipinas ng panibagong €200 milyong (P14 bilyong) utang sa France para sa pangangalaga ng yamang dagat ng bansa at palakasin ang kabuhayan ng mahigit tatlong milyong Pilipino kasama na ang mga mangingisda.

Nitong Martes, inanunsiyo ng Department of Finance na nakakuha ito ng utang na €200 milyong Euro rin para naman tugunan ang food insecurity at undernutrition ng 750,000 na tahanan.

Sabi ng DOF, makikinabang din sa bagong pautang ang mga aquaculture operator at ang turismo.

Marine Ecosystems for Blue Economy Development 1 program ang tawag sa bagong pautang ng France sa ilalim ng Agence Francaise de Developpement. Kasama rin sa programa ang Asian Development Bank at maaari ring dagdagan pa ng Germany.

Susuportahan ng programa ang mga reporma sa pangangalaga ng karagatan, pamamahala ng basura at nang maenganyo ang mga negosyanteng mamuhunan sa blue economy. (Eileen Mencias)

---

Kinumpirma ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Antonio Nafarrete.

Kasama ring nakalusot sa CA ang 37 iba pang heneral, flag officers at senior officers ng AFP.

Si Senate President Sherwin Gatchalian ang nagpreside sa plenary session ng CA.

Binati ni Gatchalian si General Nafarrete at tiniyak ang buong suporta ng CA sa AFP, lalo na sa mga hamon na kinakaharap ng sandatahang lakas.

Binigyang-diin ng Senate President na kabilang sa mga prayoridad ang AFP modernization program upang higit na mapalakas at mapahusay ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines. (Dexter Ganibe)