Skip to content

August 14 - 6 am NEWS

August 14 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 14, 2026 | 8:50 AM
Ipinauubaya na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Office of the Ombudsman ang imbestigasyon na may i kaugnayan kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez kaugnay sa flood control anomaly.
Sinabi ng Pangulo na hindi siya direktang nakikialam sa detalye ng imbestigasyon ng Ombudsman.
Ayon kay Pang. Marcos, nasa Ombudsman na ang usapin at dapat itong hayaan na isagawa ang imbestigasyon nito.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na tatawag siya sa Ombudsman upang alamin ang kasalukuyang sitwasyon at estado ng kaso para na rin sa kanyang sariling kaalaman.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi siya pamilyar sa mga detalye ng imbestigasyon.
**
Pabirong nilinaw ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na hindi “bato” kundi “bakal” ang kanilang nahuli sa kanilang pagtungo sa Davao City.
Ito ang naging tugon ng NBI chief sa gitna ng espekulasyon ng pag-aresto kay Senador Ronald “bato” dela Rosa matapos magtungo sa Davao ang mga operatiba ng NBI at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ngayong Biyernes, Agosto 14.
Nilinaw naman ni Matibag na nagtungo siya sa Davao kasunod ng joint raid sa manufacturing plant ng Davao Mighty Steel Corp. sa Barangay Ilang ng Bunawan district, na nagresulta sa pagkakasagip ng 174 Filipino workers.
Kasalukuyan ngang nagtatago si dela Rosa sa gitna ng kinakaharap na warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) matapos pangalanan bilang isa sa co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity dahil sa umano’y mga pagpatay sa war on drugs ng Duterte administration.
**
Nanawagan ang environmental group na BAN Toxics para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, kasunod ng pagdagsa ng basura mula sa Manila Bay patungo sa mga waterways sa Parañaque City.
Ayon sa grupo, ipinakita ng insidente ang problema sa maling pagtatapon ng basura, kakulangan sa waste management infrastructure, at mababang kaalaman ng publiko tungkol sa tamang pagtatapon.
Batay sa Compendium of Philippine Environmental Statistics 2025, mayroon lamang mahigit na 20,458 materials recovery facilities ang bansa, kumpara sa mahigit 42,000 na barangay.
Giit ng grupo na napapanahon na para palakasin ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan ang kaalaman ng publiko tungkol sa tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura.