Skip to content

August 13 - 7 am NEWS

August 13 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 13, 2026 | 8:46 AM

IGINIIT ni Sen. Erwin Tulfo na ang tunay na susi sa digital financial inclusion ay hindi ang pagtanggal ng lahat ng bayarin sa bawat transaksyon, kundi ang pag-aalis ng mga hadlang para mas maraming Pilipino ang madaling makagamit ng serbisyong pinansyal.

Ayon kay Tulfo, hindi sapat na paramihin lamang ang mga nagbubukas ng bank account o gumagamit ng digital wallet at banking apps dahil ang tunay na layunin ay matiyak na bawat Pilipino, anuman ang kita, lugar, edad o kaalaman sa teknolohiya, ay ligtas at madaling makagamit ng serbisyong pinansyal.

Aniya, isa sa pinakamalaking problema ay ang mismong pagpasok sa formal financial system, lalo na para sa mga unang beses pa lamang gagamit ng banking services.

Kabilang sa mga maaaring maging hadlang ang maraming requirements sa pagbubukas ng account, komplikadong proseso, pangangailangang magpanatili ng minimum balance, kawalan ng alam kung aling ATM ang maaaring gamitin nang walang dagdag na bayad, at hindi pagkakaroon ng malinaw na mapagtatanungan kapag may problema.

Dahil dito, sinabi ni Tulfo na mas dapat pagtuunan ng pansin ang pag-aalis ng mga hadlang sa paggamit ng financial services kaysa tingnan lamang ang financial inclusion batay sa halaga ng bayad sa bawat transaksyon.

“Ang layunin ay gawing madaling pasukin, madaling maintindihan at madaling gamitin ang formal financial services,” ayon sa senador.

Mahalaga aniya ang papel ng digital banks, traditional banks, e-wallets, fintech companies, telecommunications providers at mga regulator sa pagbuo ng isang financial ecosystem kung saan nagtutulungan ang iba’t ibang serbisyo at hindi napipilitang dumaan ang mga consumer sa mga hindi kailangang hadlang para lamang makagamit ng basic financial services.

Binanggit din ni Tulfo ang mga hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas para palawakin ang financial inclusion, kabilang ang pagpapalawak ng access sa basic deposit accounts, pagsusulong ng digital payments at paghikayat sa responsableng innovation.

Gayunman, sinabi niyang ang hamon ngayon ay kung paano mararamdaman ng ordinaryong Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na buhay ang mga naturang polisiya at programa.

Binigyang-diin din niya na hindi pare-pareho ang kakayahan ng mga Pilipino sa paggamit ng teknolohiya, kaya kailangan ng mas simpleng interfaces, mas malinaw na instructions at higit na tulong para sa mga first-time users.

Kasabay nito, sinabi ni Tulfo na kailangan ding palakasin ang financial at digital literacy dahil hindi sapat ang teknolohiya lamang para maging tunay na inclusive ang digital financial services.

Tinukoy niya bilang ilan sa malalaking hadlang ang minimum maintaining balance, ATM withdrawal fees at dormancy fees, lalo na para sa mga Pilipinong limitado ang perang maaaring itabi sa kanilang account.

Para kay Tulfo, dapat magkaroon ng mas maraming pagpipilian at mas kaunting hadlang ang isang market vendor, magsasaka, manggagawa, senior citizen, estudyante o maliit na negosyante upang makapasok at manatili sa formal financial system.

Hindi rin aniya dapat masukat lamang ang tagumpay ng financial inclusion sa dami ng nabuksang accounts o bilang ng digital transactions.

Mas mahalagang malaman kung mas marami nang Pilipino ang nakakapag-ipon, nakakatanggap ng bayad, nakakapagpadala ng pera, responsableng nakakautang, nakakakuha ng insurance at mas maayos na nakakapamahala ng kanilang pera dahil naging mas accessible ang financial services.

Sinabi ni Tulfo na ang dapat buuin ay isang financial ecosystem na may “zero unnecessary barriers” o walang hindi kailangang hadlang, bagama’t hindi nangangahulugan itong kailangang maging zero ang lahat ng fees.

Sa ganitong paraan, aniya, mas mailalapit ang digital finance sa mga taong higit na nangangailangan nito at maisasakatuparan ang tunay na layunin ng digital financial inclusion – ang paggamit ng teknolohiya upang gawing mas accessible, abot-kaya, madaling maunawaan at kapaki-pakinabang ang financial services para sa bawat Pilipino.

---

Tinatayang 23 kaka¬ibang pangalan, ilan ay halos kapareho ng public figure¬s, at ang iba naman ay tungkol sa pagkain, ang lumabas na pangalan sa acknowledgmen¬t receipts na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) upang masuportahan ang pinaggastusan ng confidential fund noong 2023.

Kinumpirma ni Commission on Audit (COA) supervising auditor Xylene Mae Del Campo sa Se¬nate Impeachment Court na ang resibong ipinakita ng prosekusyon ay bahagi ng dokumentong isinumite ng OVP sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng Commission on Audit (COA) bilang tugon sa mga audit observations.

“During the evalua¬tion po, I tabulated ang acknowledgmen¬t receipts based sa date kung kailan sila na-execute, the expense and the amount po,” pag¬lalahad ni Del Campo.

Sa unang dalawang quarter ng 2023, isiniwalat ng prosekusyon na ang tabu¬lation ni Del Campo ay umaabot ng 1,049 acknowledgmen¬t receipts—519 sa first quarter, at 530 sa second quarter.

Kabilang sa mga tumanggap ng confidential fund ay ang pangalang “Pia Piattos-Lim”, “Ralph Josh Bacon”, “Anne Ongpauco”, “Heart Santiago”, “Feonna Villegas”, “Beth Revilla”, “Clarisse Hontiveros”, “Jose Diokno Jr.”, “Diane Maple Lapid”, at “John A. Lapid Jr.”.

Umaabot sa P140,000 umano ang binayad kay “Piat¬tos-Lim”, para sa biniling impormasyon; P150,000 kay “Bacon” sa impormas¬yon; P250,000 kay Santiago, para sa supplies; at P500,000 kay Villegas, para sa umano’y medical at food aid.

Sa third quarter, mula July 14 hanggang September 30, nakita ang panga¬lang “Beverly Claire Pampano”, “Matthew N. Keso”, “Nova Santos”, “Salah Casim”, “Renan Piatos”, “Xiaome Ocho”, “Jay Kamote”, “Miggy Mango”, “Kokoy Villamin”, “Contis, Connor Adrian”, “Honeylet Camille Sy”, “Kristine Applegate Estrada”, at “Denise Tanya Escudero”.

Natanggap umano ang P250,000 ni “Keso”, P200,000 kay “Kamote”, P50,000 kay “Mango”, at P120,000 under “Escudero”. Bayad umano ito sa pagbili ng impormasyon, supply at reward.

Nilinaw naman ni Del Campo na pinahihintulutan ang pagbili ng impormas¬yon pero sa supply, kailangang may karagdagang dokumentasyon, at sa reward, kaila¬ngang may accomplishment.

Partikular na tinukoy ni Del Campo ang mga nakalistang Vice Presidential engagements, probable threats at operational timelines, pero walang accomplishment report para masuportahan ang pagbibigay ng reward.