Skip to content

August 13 - 6 am NEWS

August 13 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 13, 2026 | 7:48 AM

Naniniwala ang law professor na si Atty. Jennifer Reyes na magiging crucial sa pag-usad ng impeachment trial ni VP Sara Duterte ang mga testimoniya nina Gina Acosta at Edward Fajarda, dalawa sa mga inaasahang ihaharap ng House prosecution panel sa hinaharap.
Sina Acosta at Fajarda ay parehong dating special disbursing officers: si Fajarda sa Department of Education (DepEd), habang si Acosta ay sa Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Atty. Reyes, mahalaga ang testimoniya ng dalawa para matunton kung saan nga napunta ang mga na-encash na tseke mula sa CIF ng dalawang nabanggit na opisina.
Magiging exciting din aniya ang pagtayo ng dalawa sa witness stand dahil sila ang pangunahing indibidwal na umano’y nakakaalam sa ‘trail’ ng hanggang P612.5 million na CIF ni VP Sara sa dalawang opisina na kaniyang hinawakan.


**

Sisimulan na ng House of Representatives sa susunod na linggo ang deliberasyon sa panukalang P7.2 trilyong pambansang pondo para sa 2027.
Ayon kay House Appropriations Committee chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing, sisimulan ang budget hearings sa Lunes, Agosto 17 at magtatapos sa Oktubre 9, bago ang Undas break ng Kongreso.
Muling inihayag naman ng mambabatas na magsasagawa sila ng masinsinang pagsisiyasat sa pondo na tinawag niyang “people’s budget” kung saan makikipagpulong ang non-government organizations at iba pang concerned stakeholders sa mga mambabatas at hihimayin ang budget process.
Samantala, inihayag ni House Speaker Bojie Dy na papairalin nila ang safeguards na in-adopt ng mababang kapulungan noong 2025 para maiwasang maulit ang umano’y kwestyonableng insertions.

**

Inaasahan ang pagbaba ng pamasahe sa eroplano (airfare) sa huling bahagi ng Agosto 2026.
Ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB), bababa ang fuel surcharge sa Level 12 mula Agosto 16 hanggang 31.
Magbibigay-daan ito upang maging mas mura nang bahagya ang airfare para sa mga ibobook na flight sa huling kalahati ng buwan.
Sa ilalim ng bagong antas, P389 hanggang P1,137 ang maaaring singiling fuel surcharge para sa domestic flights.
Aabot naman sa P1,284.40 hanggang P9,550.13 ang babayaran para sa international flights ng mga pasahero.