Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dapat sulit ang bawat pisong gagastusin ng gobyerno sa ilalim ng P7.2 trilyong panukalang pambansang budget para sa 2027.
Isinumite ng Pangulo sa Kongreso nitong Martes ang proposed national budget na naglalayong mapanatili ang paglago ng ekonomiya habang pinatitibay ang mga programa para sa mga Pilipino.
Mula sa P11.69 trilyong budget proposals na isinumite ng mga ahensiya ng gobyerno, sinabi ni Marcos Jr. na maingat na pinili ang mga programa at proyektong may pinakamalaking pakinabang sa publiko.
“I directed all agencies to focus on measurable outcomes, align their proposals with our development agenda, eliminate unnecessary or inefficient expenditures, and ensure that every peso produces meaningful and lasting value,” aniya.
Kabilang sa pagtutuunan ng P7.2 tril¬yong budget ang imprastraktura, edukasyon, at iba pang investments sa human capital, seguridad sa pagkain at enerhiya, social protection, at pagpapalakas ng mga institusyon. (Prince Golez)
---
Pinasisiyasat sa Senate Committee on Economic Affairs ang kalagayan ng domestic steel industry sa bansa upang makapaglatag ng mga hakbang para palakasin ang lokal na produksyon ng bakal at tiyakin ang pagsunod sa mga batas sa mga special economic zone.
Sa isang resolusyon, ipinaliwanag ni Senadora Risa Hontiveros na ang isinusulong niyang imbestigasyon ay kasunod ng mga ulat sa umano’y paggawa at distribusyon ng substandard steel products, kabilang ang mga operasyon ng Philippine Sanjia-Steel Corporation sa Misamis Oriental, at Chuangxing Steel Plant sa Pampanga, na nauwi sa mga pagsalakay, pagsasara ng operasyon at pagkakaaresto sa ilang indibiduwal.
Nagbunsod din ng pag-aalala sa kaligtasan ng publiko ang mga natuklasang mapanganib na materyales, kabilang ang uranium at thorium sa imported scrap feedstock sa isang steel facility sa Misamis Oriental.
Iniulat din ang pagkakalantad ng daan-daang manggagawa sa chemical, radiological, at industrial hazards.
Layunin ng inquiry na suriin ang mga umiiral na batas at polisiya para mapaunlad ang integrated iron and steel industry, maprotektahan ang mga manggagawang Pilipino, matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga produktong bakal, at mapalakas ang kakayahan ng bansa na umasa sa sariling industriya sa halip na sa imported na materyales. (Dexter Ganibe)