Skip to content

August 12 - 6 am NEWS

August 12 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 12, 2026 | 12:04 PM

Inihain ng Department of Justice (DOJ) ngayong araw, August 11, 2026, ang tatlong counts ng kasong Grave Threats laban kay Vice President Sara Duterte sa Regional Trial Court ng Quezon City.
Gayunpaman, ibinasura ng DOJ ang reklamong Inciting to Sedition na unang inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanya.
Pinalagan ng kampo ng Bise Presidente ang naging hakbang na ito sa pamamagitan ng kanyang legal counsel mula sa Chua Lim & Associates na si Atty. Paul Lawrence Lim. Ayon kay Lim, inaasahan at pinaghandaan na ng kanilang legal team ang ganitong desisyon.
Iginiit ng abogado na sa ilalim ng batas, nananatiling inosente ang Bise Presidente at may tiwala silang maibabasura rin ang mga reklamong ito.

***
Nagsumite ng ‘love letter’ sa Korte Suprema ang Akbayan Partylist para hilingin na masilip ang inisyung kautusan ng Pasig City Regional Trial Court kontra implementasyon ng umento sa pasahod sa kalakhang Maynila.
Kasama si Akbayan Partylist Rep. Percival Cendaña, nakiisa sila sa mga manggagawa na anila’y  na ‘heart broken’ nang maudlot ang ‘wage hike’.
Sa isinumiteng ‘love letter’ sa Kataas-taasang Hukuman ngayong araw, nais nilang mapasuri partikular ang inisyung Temporary Restraining Order ng korte ng Pasig.
Nagresulta kasi ito para pansamantalang hindi muna matuloy ang pagpapatupad sa P85 na wage hike sa National Capital Region.
Giit ng Akbayan Partylist na sa ilalim ng konstitusyon, ang Korte Suprema ay may kapangyarihan na imbestigahan ang mga hukom at maglunsad ng pagdinig ukol sa posibleng misconduct, gross ignorance of the law, pagiging bias at iba pang administratibong paglabag.

**
Inamin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na kinakailangan nang i-upgrade ang mga pumping station sa Kalakhang Maynila upang mas epektibong makatugon sa matitinding pagbaha.
Ayon kay Torre III, kailangan na ng mas malalakas at mas malalaking pasilidad upang makasabay sa dumaraming volume ng tubig dulot ng mas malalakas na buhos ng ulan.
Ibinunyag ng opisyal na ilan sa kabuuang 73 pumping station ng MMDA ang bahagyang “nabulunan” o nahirapan gawa ng dagsa ng tubig at basura, bagamat naipagana rin naman ang mga ito kalaunan.
Gayunpaman, nagbabala siya na posibleng hindi na kayanin ng mga kasalukuyang kagamitan kung mas lalong lalakas at tatagal ang mga pag-ulan dahil mawawalan na ng “window time” o sapat na oras ang mga tauhan para sa pagsasagawa ng repair.