Mahigpit na binabantayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang epekto ng Habagat, partikular ang sitwasyon sa mga lugar na madaling bahain at ang pagtaas ng lebel ng tubig sa mga dam at imbakan ng tubig.
Inatasan ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na manatiling naka-heightened alert, mahigpit na makipag-ugnayan hinggil sa pagpapakawala ng tubig, at magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang mga komunidad at mahahalagang imprastraktura.
Ayon sa ulat, bagaman at nakararanas ng spilling ang ilang dam sa Central Luzon, patuloy na mahigpit na mino-monitor at pinamamahalaan ang lebel ng tubig.
Pinatitiyak din ng Pangulo na nakahanda ang mga ahensya ng pamahalaan na tumugon habang nagbabago ang mga kondisyon.
Inatasan ni Marcos ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na manatiling nasa full alert, habang itinaas naman ng NDRRMC sa full-alert status ang kanilang kahandaan.
Nagsagawa rin ang mga awtoridad ng preemptive evacuation sa mga lugar na nasa panganib ng pagbaha, pagguho ng lupa, at storm surge.
Nakapag-imbak ang DSWD nang mahigit limang milyong family food packs sa buong bansa at may mahigit P1.6 bilyong standby funds para sa emergency response.
---
Sinimulan na ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang proseso na maaaring humantong sa pag-forfeit ng ilang ektaryang ilegal na ni-reclaim na lupa sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo.
Ayon kay Lacson, kinumpirma ng PRA ang kanilang paunang natuklasan na walang nakuha ni isang permit ang pamahalaang lungsod ng Taguig para sa reclamation. “Patungo na sila sa imbestigasyon para magkaroon ng board resolution ng PRA at magsimula ng forfeiture proceedings. Kasi kung walang permiso mula sa PRA, na siyang mandated agency, ang logical conclusion ay i-forfeit ito pabor sa national government. At confirm ng PRA, wala silang maski isang permit,” pahayag niya sa DZBB.
Dagdag pa ni Lacson, kahit ipagpalagay na government property ang mga lugar na ni-reclaim, kailangan pa ring kumuha ng kaukulang dokumento mula sa PRA, Laguna Lake Development Authority, at DENR bago magsagawa ng reclamation. Binanggit pa niya ang salaysay ni Sen. Francis Escudero na noong gobernador pa ng Sorsogon ay kumuha ng lahat ng kinakailangang permit bago magsagawa ng reclamation.
Nauna nang sinabi ni Lacson na ang mga flood control at mitigation projects ay matagal nang naaapektuhan ng “unabated and illegal” reclamation operations sa Laguna Lake. Kailangan pa ng beripikasyon kung gaano kalaki ang lupang maaaring ma-forfeit, ngunit sa huling bilang ilang taon na ang nakalipas, nasa 47 ektarya na ang na-reclaim at nadagdagan pa ng 37 ektarya kamakailan.