Dalawang minutong minor phreatomagmatic eruption ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Bulkang Taal nitong Huwebes ng umaga, Abril 9.
Ayon sa Phivolcs, naitala ang mahinang pagsabog sa main crater ng bulkan mula alas-10:20 hanggang 10:22 ng umaga, na nagdulot ng 300-metrong plume.
Ang Bulkang Taal ay nananatili sa Alert Level 1 kung saan ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, lalo na sa main crater at Daang Kastila fissures, pati na rin ang pamamalagi sa lawa ng Taal, ayon pa sa ahensya.
Samantala, limang minuto namang nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon mula alas-6:24 hanggang 6:29 ng umaga, na nagdulot ng grayish plume na umangat ng 1,200 metro sa ibabaw ng summit crater.
Sinabi ng Phivolcs na mula alas-12:00 ng madaling-araw nitong Huwebes, apat na episode ng ash emission na ang naitala sa Bulkang Kanlaon.
Nanatili ang bulkan sa Alert Level 2, kung saan ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometrong permanent danger zone.
---
Nakiisa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paggunita ng Araw ng Kagitingan bilang pag-alala sa tapang at sakripisyo ng mga Pilipinong tumindig para sa ating kalayaan.
Sa kanyang mensahe, inaanyayahan ng Pangulo ang bawat isa na isabuhay ang kagitingan sa bawat tamang desisyon, sa bawat pagtulong sa kapwa, at sa bawat paninindigan sa tama, habang patuloy na isinusulong ang adhikaing makamit ang isang Bagong Pilipinas
“Ngayong araw, ina¬alala natin ang tapang at sakripisyo ng mga Pilipinong tumindig para sa ating kalayaan. Sa Bataan at Corregidor, pinatuna¬yan nila na ang tunay na bayani ay hindi sumusuko sa kabila ng pagod, hirap at pagdadalamhati,” saad ni Marcos.
“Ang kanilang kabayanihan ay hindi lamang bahagi ng ating kasaysayan. Ito ay buhay na paalala na ang diwa ng kagitingan ay nananatili sa bawat Pilipinong patuloy na nagsusumikap at bumabangon para sa kanilang pamilya at sa bayan,” dugtong pa niya.
-----