Skip to content

April 8 - 8 am NEWS

April 8 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 08, 2026 | 10:01 AM

Naglabas ng emergency alert ang Prime Minister’s Office ng Japan ngayong araw, matapos ang pinaghihinalaang ballistic missile launch mula North Korea.

Inatasan ni Prime Minister Sanae Takaichi ang lahat ng ahensya na magbigay ng maximum effort sa pagkalap ng impormasyon, tiyakin ang kaligtasan ng mga asset, at magsagawa ng precautionary measures upang mapanatili ang seguridad ng bansa.

Ayon sa opisyal na pahayag, agad na isinailalim sa heightened monitoring ang aviation at maritime sectors, habang pinaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga abiso ng pamahalaan.

Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa patuloy na banta ng North Korea sa rehiyon, na nagdudulot ng pangamba sa kaligtasan at katatagan ng East Asia.

Ang emergency alert na ito ay bahagi ng mabilis na pagtugon ng Japan upang matiyak na handa ang bansa sa anumang posibleng panganib na dulot ng tensyon sa Korean Peninsula.

----

Kinumpirma ng isang opisyal ng White House na pumayag din ang Israel sa ceasefire deal sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Ito ay matapos ang anim na linggong labanan sa Middle East.

Hindi naman agad naglabas ng komento ang Israel matapos ang anunsiyo ng ceasefire sa Iran.

Kung saan naglunsad pa ng pag-atake ang Israel sa Lebanon bilang ganti sa pinakawalang rocket ng kaalyado ng Iran na Hezbollah, na nagresulta sa pagkasawi ng mahigit 1,500 indibidwal, ayon sa Lebanese authorities.

Nauna naman nang kinumpirma ng Pakistan, bilang mediator, na nagkasundo ang Amerika, Iran at kanilang kaalyado para sa tigil-putukan sa lahat ng dako, kabilang na sa Lebanon.

----

Bineto ng China at Russia ang isang resolusyon ng United Nations Security Council na naglalayong hikayatin ang mga bansa na magtulungan upang maprotektahan ang mga komersyal na barko sa Strait of Hormuz.

Sa botong 11 pabor, 2 tutol, at 2 abstain mula sa 15 miyembro ng konseho, nabigo ang resolusyon na maipasa dahil sa veto ng dalawang permanenteng miyembro.

Ayon kay Bahrain Foreign Minister Abdullatif bin Rashid Al Zayani, hindi naaprubahan ang panukala dahil sa pagtutol ng isang permanenteng miyembro ng konseho.

Nag-ugat ang resolusyon matapos halos isara ng Iran ang Strait of Hormuz kasunod ng mahigit limang linggong digmaan sa rehiyon na nagsimula matapos ang pag-atake ng U.S. at Israel laban sa Iran.


Ang strait of Hormuz ay dinadaanan ng humigit-kumulang 20% ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa buong mundo.

Kinondena naman ni U.S. Ambassador Mike Waltz ang ginawang pag-veto ng China at Russia, na tinawag niyang ”a new low,” at inakusahan na pinapanigan ang Iran.

Aniya, naaapektuhan na rin ang paghahatid ng tulong medikal sa mga lugar na may krisis tulad ng Congo, Sudan, at Gaza dahil sa pagsasara ng Strait of Hormuz.

Nanawagan ang Estados Unidos sa iba pang bansa na makiisa sa kanilang hakbang upang matiyak ang seguridad at malayang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz.

Dismayado rin ang France sa naging aksyon ng Russia at China. Ayon kay U.N. Ambassador Jerome Bonnafont, layunin ng resolusyon na magbigay lamang ng seguridad sa naturang daungan upang mapanatili ang kaligtasan sa rehiyon para maiwasan narin ang paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan.