Skip to content

April 8 - 7 am NEWS

April 8 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 08, 2026 | 9:19 AM

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maayos na ang kanyang kalusugan at nakabalik na siya sa kanyang regular na routine.

Tugon ito ng Presidente, matapos hindi matigil-tigil ang isyu na may sakit ito at pabalik-balik sa hospital.

Ayon sa Pangulo, tatlong buwan na siyang tuloy-tuloy na nag-eehersisyo at sinusubaybayan ang kanyang kalusugan upang manatiling handa sa trabaho.

Dagdag pa niya, wala na rin siyang sinusunod na dietary restrictions sa kasalukuyan, bagamat may mga payo parin na iwasan ang sobrang mamantikang pagkain.

Tiniyak ni Marcos na nasa mabuti siyang kondisyon, na aniya’y magandang balita para sa publiko.

----

Iginiit ng Department of Energy (DOE) na ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law ang pinakamahalagang hakbang na dapat gawin ng Kongreso upang maprotektahan ang bansa mula sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis, lalo na sa panahon ng krisis o giyera.

Sa House Committee on Ways and Means , tinanong ni Rep. Alfredo Garbin Jr. si DOE Sec. Sharon Garin kung anu-anong emergency legislative amendments ang inirerekomenda ng ahensya upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Kabilang sa mga inusisa ay kung pabor ba ang ahensya sa inventory disclosure, anti-profiteering triggers, o ang pansamantalang suspensyon ng excise tax at VAT adjustment para sa produktong diesel.

Tugon ng opisyal ng DOE, bagamat epektibo ang kasalukuyang batas sa normal na sitwasyon, hindi ito sapat kapag may mga pandaigdigang tensyon at may natural and artificial causes ang pagtaas ng presyo.

Aminado ang kalihim na labis na vulnerable ang Pilipinas dahil agad na nararamdaman sa bansa ang epekto ng pandaigdigang taas-presyo.

Dagdag pa rito, inamin ni Garin na wala silang sapat na kapangyarihan sa ilalim ng kasalukuyang batas upang pigilan ang paggalaw ng presyo bago pa man ito mangyari.

Bukod sa pag-amyenda sa Oil Deregulation Law, isinusulong din ng ahensya ang polisiya patungkol sa unbundling at ang pagpapalawak sa mga kapangyarihan ng DOE sa industriya.

Samantala, nabanggit din ng ahensya na tinatayang nasa 20 porsyento ng kabuuang pump price sa mga gasolinahan ay nagmumula sa excise tax.