Sumirit sa 4.1% ang inflation nitong Marso mula sa 2.4% noong Pebrero.
Ito ang pinakamataas na inflation mula Hulyo 2024 nang ito ay tinala sa 4.4%, ayon kay Philippine Statistics Authority Undersecretary at National Statistician Dennis Mapa.
Malaking dahilan sa pagtaas ng inflation ang pagmahal ng transportas¬yon gayundin ang diesel at gasolina.
Ang inflation ang bilis ng pagmahal ng presyo ng mga bilihin magmula sa pagkain tulad ng bigas, tubig, kuryente, tuition, pagpapagupit, at iba pa.
Ayon kay Mapa, nasa 9.9% ang inflation ng transportasyon ang pinakamataas mula Enero 2023.
Ang inflation ng diesel naman ay tinala sa 59.5% ang pinakamataas mula Setyembre 2022 at 27.3% naman sa gasolina na pinakamataas mula Set¬yembre 2022.
Malaki ang epekto ng pagmahal ng pamasahe at presyo ng gasolina at diesel sa mga bilihin, pati na sa pagkain. (Eileen Mencias)
-----
Maaaring tamaan ng Super El Niño ang buong mundo simula sa summer ngayong taon hanggang sa 2027.
Sa pinakahuling forecast ng European Centre for Medium-Range Weather Forecasts (ECMWF), natukoy nila na ang tubig sa equatorial Pacific Ocean ay maaaring lumagpas sa 2.5 °C above normal kaya lumalakas ang tsansa na magkaroon ng super El Niño.
Nagkakaroon ng El Niño kapag ang sea surface temperature ay tumataas ng 2.0 °C hanggang 2.5 °C pero ang forecast ngayong taon ay posibleng lumagpas pa sa 2.5 °C.
Nawawala ang ihip ng hangin sa Pasipiko kaya ito ang nagdudulot ng matinding init sa ibabaw ng dagat.
Nababawasan din ang mga kaulapan kaya nagdudulot ito ng matinding tagtuyot sa kalupaan, lalo na sa mga sakahan.
Ang pinakamalakas na El Niño ay nangyari noong 1997 hanggang 1998 at naulit ito noong 2015 hanggang 2016 El Niño.
Sa administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III (2010-2016), lumikha ito ng task force upang mailatag ang road map sa mitigation at pumokus sa seguridad ng pagkain, tubig at enerhiya.
Isa sa opisyal noon ni Aquino ay si Manuel L. Quezon III kung saan ngayon pa lamang ay nagtatanong na ito kung napaghandaan na ng administrasyong Marcos ang posibleng pagdating ng Super El Nino.
“My question is with that expectation what’s in store for Manila!?” bahagi ng tweet ni Quezon.