Hindi apektado ang Bureau of Fire Protection sa kakulangan ng mga fire trucks sa buong bansa.
Ayon kay Fire Supt. Anthony Arroyo, ang taga-pagsalita ng ahensya na kahit kulang ang kanilang mga fire trucks ay natutugunan pa rin ng tama ang kanilang trabaho.
Dagdag pa nito na pinagkakasya nila ang mga kagamitan at natitiyak niya na hindi magiging balakid sa kanila ang nasabing kakulangan ng firetrucks.
Maguguntiang inamin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nagkaroon ng problema sa pagdeliver ng mga firetrucks dahil sa ginagawa nilang imbestigasyon laban sa nagaganap na kurapsyon sa loob ng ahensya.
***
Dumulog sa Department of Justice si Acting Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez upang isumbong ang nasa likod ng nagpapakalat ng maling impormasyon online.
Sa pagdating ng naturang opisyal sa kagawaran ngayong araw, kanyang inireklamo ang isang social media page dahil sa mga gawa-gawa umano nitong istorya.
Partikular na kanyang pinaiimbestigahan ang ‘Malasakit News Pilipinas’ para matukoy ang mga ‘administrators’ o nasa likod ng gawain.
Naniniwala ang naturang opisyal na layon lamang ng mga ito na magdulot ng ‘panic’ at pagkalito sa publiko na siyang posibleng makaapekto sa kaayusan at seguridad ng bawat isa.
Alinsunod aniya ang ginawang aksyon ng opisina sa inisyung babala lalo na sa mga nagpapakalat ng ‘fake news’ na kanila itong papanagutin sa batas.
Aniya’y tatlong ‘fake news’ posts ang nais mapaimbestigahan para matukoy ang nasa likod at madala sa kaukulang korte upang magpaliwanag.