Napabagsak umano ng Iran ang ilang aircrafts ng Estados Unidos habang nasa rescue mission sa pilotong sakay ng pinabagsak na US fighter jet sa southern Isfahan.
Ito ang kinumpirma ni Ebrahim Zolfaqari, tagapagsalita ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) Khatam al-Anbiya Central Headquarters, na tinawag ang rescue operation ng US bilang “complete failure.”
Ayon sa military officer ng Iran, dalawang C-130 military transport planes at dalawang Black Hawk helicopters ang napabagsak ng Iran’s armed forces.
Mayroon ding mga larawan na inilabas nitong weekend na nagpapakita ng wreckage ng American plane at helicopter sa Isfahan matapos iulat ng US special forces na nasagip na nila ang nawawalang airman.
Kinumpirma rin ni US President Donald Trump ang pagkakasagip sa US airman nitong Linggo matapos ang aniya’y isinagawang operasyon sa mabundok na lugar na isa sa tinawag niyang “most daring” missions sa kasaysayan ng Amerika.
---
Nagkasundo ang Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC+) na taasan ang quota para sa produksiyon ng langis.
Kasabay nito, nagbabala rin ang grupo na matatagalan pa at magiging magastos ang pagkumpuni ng mga nasirang energy facilities sa Middle East.
Sa ikalawang magkasunod na buwan, tinarget ng airstrikes ng Iran ang pangunahing OPEC+ countries kabilang ang pangunahing oil producers na Russia at Saudi Arabia gayundin ang ilang Gulf countries.
Bunsod nito, nagkasundo ang mga ito na itaas sa 206,000 bariles kada araw ang quota simula sa Mayo.
Subalit, nagbabala ang organisasyon na posibleng magresulta sa pagtaas ng oil market volatility ang pinsala sa energy infrastructure, at posibleng matamaan din ang global supplies sa hinaharap.
Kayat binigyang-diin ng grupo ang kahalagahan na maprotektahan ang international maritime routes para matiyak na hindi maantala ang daloy ng enerhiya.
---
Nagbabala si US President Donald Trump na tatargetin ng Estados Unidos ang mga planta ng kuryente at tulay sa Iran bukas, Martes kung hindi bubuksan ang Strait of Hormuz.
Sa isang online post, sinabi ni Trump na magiging sabay na pag-atake ito sa mahahalagang imprastraktura ng Iran.
Iginiit niya na nananatiling sarado ang naturang daanan matapos ang mahigit isang buwang tensyon at mga pag-atake ng US at Israel.
Nagbabala rin ang US President na haharap sa mabigat na kaparusahan ang Iran kung hindi ito kikilos.
Samantala, inanunsyo ni Trump na magsasagawa siya ng press conference ngayong Lunes matapos masagip ng US military ang dalawang piloto ng bumagsak na eroplano sa Iran.