Nakiisa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa selebrasyon ng sambayanan sa Linggo ng Pagkabuhay, bilang bahagi ng pagtatapos ng Semana Santa at ang sagradong proklamasyon ng pagkabuhay ni Kristo.
Sa kanyang mensahe nitong Linggo, sinabi ng Pangulo na ipinapaalala lamang sa okasyon na ang pagdurusa ay hindi katapusan, kundi simula ng pagbabago, pagkakaisa, pag-asa at malasakit sa kapwa.
Sa pagkabuhay ni Kristo, pinatunayan na ang kanyang pangako ay hindi matitinag at kahit sa pinakamadilim na oras, ang pananampalataya ay aakay sa liwanag.
“I join the entire Filipino nation in celebrating Easter Sunday, the triumphant culmination of Holy Week and the sacred proclamation of Christ’s Resurrection,” anang Pangulo.
Nanawagan si Pangulong Marcos Jr. sa bawat Pilipino na bumangon ng may panibagong dahilan, hindi sumusuko at may malalim na responsibilidad para sa bawat isa.
---
Hindi kumbinsido si First Lady Liza Araneta Marcos sa intrigang ipinukol kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro kaugnay sa pagkakaroon umano nito ng romantikong kaugnayan sa isa sa mga opisyal sa ehekutibo.
Ayon kay Castro, tinawanan ito ng Unang Ginang dahil alam niyang hindi totoo ang mga naglabasang fake news laban sa kanya.
Sinabi ni Castro na ito ang isa sa mga dahilan noon kaya ayaw nitong pumasok sa politika dahil kung walang maipukol ang mga kritiko ay gagawan ito ng mga malisyosong isyu.
“Tinawanan po ‘yan ni First Lady, ako din nagulat din noon,” ani Castro.
Hindi naman aniya ito nangangamba na magduda ang kanyang asawa sa mga naglabasang intriga dahil alam nito kung ano ang trabaho nito sa Malacañang at hindi ito lumalabas na nag-iisa dahil madalas ay kasama nito ang anak na dalaga, staff nito at ang kanyang hipag.
---
Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nakahanda na ang kasong plunder laban kina Leyte Rep. Martin Romualdez at Sen. Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng umano’y anomalya sa pambansang budget at flood control projects.
Ayon kay Remulla, posibleng ihain ang kaso sa buwan ng Mayo.
Aniya, may sabwatan umano sa pagbuo at pagpasa ng budget sa Kongreso na nagresulta sa mga proyektong pinaghihinalaang pinanggalingan ng kickbacks.
Binanggit din na lumabas ang detalye sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa kontrobersiya sa flood control, kung saan umano’y may mga proyektong ipinasok sa budget para pagkakitaan.
Hindi lang umano sina Romualdez at Escudero ang maaaring masampahan ng kaso. Posible ring madamay ang iba pang mambabatas at ilang opisyal ng eheku¬tibo.
Sinisilip ng Ombudsman ang mga budget sa 2024 at 2025, at maaari ring balikan ang panahon ni dating Speaker Lord Allan Velasco.
Handa naman si Romualdez na harapin ang isasampang kaso ng Ombudsman, ayon sa kanyang abogadong si Atty. Ade Fajardo, habang si Escudero, wala pang pahayag habang sinusulat ang balitang ito.