Sinabi ni US President Donald Trump kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na dapat “surgical” lamang ang mga military strike sa Lebanon at iwasan ang malawakang pag-atake.
Ayon kay Trump, sinabi niya kay Netanyahu na huwag magpatumba ng mga gusali at iwasan ang malawakang pinsala na aniya’y nakakasira sa imahe ng Israel. Giit pa niya, masyadong matindi ang epekto ng ganitong operasyon.
Sa parehong pahayag, sinabi rin ni Trump na naniniwala siyang may potensyal pang makabangon ang Lebanon, ngunit aniya’y malaki ang naging epekto ng Iran at Hezbollah sa krisis ng bansa.
Kasabay nito, patuloy pa ring nilalabag ang ceasefire na nagsimula noong Abril 17 at pinalawig hanggang Mayo 17, habang nagpapatuloy ang mga pag-atake sa southern Lebanon.
Ayon sa ulat ng Lebanon, libo na ang nasawi at nasugatan, habang mahigit 1.6 milyon ang napaulat na nawalan ng tirahan dahil sa patuloy na kaguluhan. (Report by Bombo Jai)
---
Bumagsak nang bahagya ang mga stock market sa buong mundo noong Miyerkules dahil sa pag-aalala ng mga investor sa tumitinding tensyon sa Middle East at posibleng epekto nito sa presyo ng langis at ekonomiya.
Tumaas kasi nang mahigit 5% ang presyo ng langis matapos lumabas ang ulat na posibleng maghanda ang Estados Unidos para sa mas matagal na digmaan sa Iran.
Nagdulot ito ng pangamba dahil ang Iran ay malapit sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta na dinadaanan ng malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo. Kapag naapektuhan ito, maaaring tumaas pa ang presyo ng gasolina at iba pang bilihin.
Sa US stock market, pabago-bago ang galaw ng mga index. Bumaba ang Dow Jones Industrial Average, halos flat ang S&P 500, habang bahagyang tumaas ang Nasdaq. Ganito rin ang naging galaw sa European at iba pang global markets na nagpakita ng bahagyang pagbaba.
Habang patuloy ang geopolitical concerns, inaabangan din ng mga investor ang resulta ng earnings ng malalaking tech companies tulad na inaasahang magbibigay direksyon sa merkado.
Bukod dito tumaas din ang bond yields dahil sa inaasahang inflation pressure mula sa mataas na presyo ng krudo, habang lumakas ang US dollar kontra sa ibang pangunahing currency.
Samantala, bumaba naman ang presyo ng ginto sa ikatlong sunod na araw matapos ang naunang pagtaas.