Skip to content

April 30 - 7 am NEWS

April 30 -  7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 30, 2026 | 8:42 AM

Nakapapasong init ang tumama sa Sangley Point, Cavite City at Aborlan, Palawan matapos na sumirit sa 43 degrees celcius ang naitalang temperatura rito kahapon.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astrobnomical Services Administration (Pagasa) nakaririnding init ang naranasan ng mga residente sa nasabing mga lugar kung saan posible itong magdulot ng pagkahilo, heat stress, heat cramp at heat exhaustion.

Sa forecast ng Pagasa, aabot naman sa 42 degrees celsius ang naitalagang heat index sa Pasay City, Metro Manila, gayundin sa Dagupan City, Pangasinan; Subic Bay, Olongapo City; Dumangas, Iloilo; at Guiuan, Eastern Samar.

Pinapayuhan ang publiko na uminom palagi ng tubig at iwasang lumabas ng bahay mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng tanghali. (Angelica Malillin)

---

PUSPUSAN na ang paghahanda ng administrasyon para sa 2026 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan katuwang ang mga legal na institusyon sa pagtiyak ng seguridad, legal, at administratibong hakbang upang masiguro ang maayos at mapagkakatiwalaang halalan.

Ito ang binigyang-diin sa Command Conference na ginanap noong Abril 28 sa Camp Crame para sa BARMM Parliamentary Elections at 2026 Sangguniang Kabataan Elections kung saan muling tiniyak ng mga pangunahing stakeholder na tuloy-tuloy ang paghahanda sa ilalim ng “whole-of-government” approach.

Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang talakayan kasama ang mga election stakeholder na binigyang-diin ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya upang matiyak ang seguridad ng nalalapit na halalan.

Dumalo rin sa pulong ang mga opisyal mula sa Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at mga civil society election monitor.

Naroon din si Comelec Chairman George Erwin M. Garcia, kasama ang mga kinatawan mula sa Office of the Special Assistant to the President (OSAP) at Ministry of Interior and Local Government ng BARMM na nagpapakita ng malawak na suporta ng mga institusyon sa paghahanda para sa halalan.

Binigyang-diin naman ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo ang kahalagahan ng kauna-unahang halalan sa BARMM, at inilahad ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ituring itong prayoridad.

“The first BARMM parliamentary elections will be a historic moment not just for the region but for the whole nation. It is an opportunity for the Bangsamoro to shape their parliament directly and to prove that the democracy here is strong,” sabi ni Lagdameo.

Muling tiniyak ng mga awtoridad ang kanilang pangako na magdadaos ang pamahalaan ng mapayapa at kapani-paniwalang halalan sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon, habang iginiit ng PNP ang kanilang kahandaan sa operasyon alinsunod sa kampanya nito para sa mas mabilis at epektibong serbisyo publiko.

Sa kabila ng tuloy-tuloy na paghahanda, hinuhubog pa rin ng umiiral na mga usaping legal at politikal ang proseso ng halalan.

Isang petisyon ang inihain sa Comelec laban sa pagpaparehistro ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), ang political wing ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sa petisyon, binanggit ang umano’y paglabag ng grupo sa election law kabilang ang paglabag sa gun ban at umano’y pagtanggap ng dayuhang pondo, at hiniling ang hindi pag-apruba sa akreditasyon ng partido bilang regional parliamentary political party.

Iginiit naman ni UBJP President Al Haj Murad Ebrahim na mahalaga ang partisipasyon ng kanilang partido sa proseso ng halalan, at binigyang-diin ang papel nito sa kasaysayan ng pagkakatatag ng BARMM.

Samantala, may mga hiwalay ding petisyon na inihain sa Supreme Court at Comelec na humihiling ng agarang resolusyon sa mga usapin kaugnay ng redistricting sa BARMM at mga patakaran sa akreditasyon ng mga partido. Ayon sa mga petitioner, maaaring makaapekto ang pagkaantala sa representasyon ng mga botante at magdulot ng kalituhan bago ang paghahain ng certificates of candidacy.

Hinimok din nila ang poll body na paigtingin ang voter education lalo na sa paglilinaw na tuloy ang BARMM parliamentary elections ayon sa itinakdang iskedyul sa Setyembre.

Ang BARMM elections sa Setyembre 14, 2026, ang magiging kauna-unahang parliamentary polls sa rehiyon na magmamarka ng transisyon mula sa itinalagang Bangsamoro Transition Authority (BTA) tungo sa ganap na halal na 80-miyembrong parlamento.

Tinitingnan ang halalang ito bilang isang mahalagang yugto sa pagpapatupad ng 2014 peace agreement sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng MILF.