Inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na walang beripikadong impormasyon na nagpapakita ng seryoso at malapit na banta ng kudeta o pag-aaklas na suportado ng militar laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Subalit pananatilihin umano ng pambansang pulisya ang mataas na antas ng alerto .
Aniya, walang nakitang basehan para maalarma ang publiko sa umano’y tangkang pagpapatalsik sa Pangulo.
Bunsod ng kawalan ng konkretong ebindensiya, trinatrato ng PNP ang umano’y mga banta bilang “rumors” o tsismis.
**
Naglabas ng babala ang Department of Agriculture (DA) laban sa kumakalat na maling impormasyon kaugnay sa kanilang Swine Repopulation Project (SRP).
Ayon sa DA, ang SRP ay isang tatlong taong programa na layong maibalik at mapalakas ang populasyon ng baboy sa bansa matapos ang pinsalang dulot ng African Swine Fever (ASF).
Bahagi ng proyekto ang pagtatatag ng maayos at ligtas na breeding system mula sa source farms hanggang sa multiplier at production farms gamit ang mga siyentipiko at bio secure na pamamaraan.
Paliwanag ng ahensya, inaasahang makakatulong ang SRP sa pagpapatatag ng suplay ng baboy at sa pagpapababa at pagpapatatag ng presyo ng karne sa lokal na merkado.
**
Makakaluwag ng bahagya ang mga manggagawa dahil mag-aalok ng libreng sakay ang Metro Rail Transit 3 sa mismong Labor Day, May 1.
Sa inilabas na advisory, maaaring ma-avail ang libreng sakay mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-nwebe ng umaga.
Sa hapon, maaring ma-avail ng libreng sakay mula alas-singko ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi.
Ayon sa train line, kailangan lamang magpresenta ng mga mananakay na manggagawa ng company ID.
Bukod sa MRT3, mag-aalok din ng libreng sakay sa Light Rail Transit 2 sa parehong mga oras sa mismong Labor Day.
April 29 - 6 am NEWS
Apr 29, 2026 | 7:44 AM