Skip to content

April 28 - 8 am NEWS

April 28 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 28, 2026 | 10:19 AM

Kinumpirma ni Atty. Krissy Conti, assistant to counsel sa International Criminal Court (ICC), na nabuo na ang Trial Chamber III na hahawak sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng war on drugs.

Ayon kay Conti, ang ICC ay nagtalaga ng tatlong huwes: Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek, at Judge Nicolas Guillou, upang dinggin ang naturang kaso.

Dagdag pa niya, ang mga susunod na hakbang ay pawang administratibo at nangangailangan ng koordinasyon sa pagitan ng prosecution, defense, at victims’ legal teams. Posibleng magsagawa ng status hearing sa private session sa mga darating na araw.

Ang ICC ay nagsimula ng imbestigasyon sa Pilipinas matapos ang mga ulat ng libo-libong pagkamatay sa ilalim ng kampanya kontra droga ni Duterte mula 2016 hanggang 2022.

Noong 2021, pinahintulutan ng ICC Pre-Trial Chamber ang full investigation, na kalaunan ay pansamantalang sinuspinde ngunit muling ipinagpatuloy noong 2022.

Sa kabila ng pag-atras ng Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2019, iginiit ng ICC na may hurisdiksiyon ito sa mga krimen na umano’y naganap habang kasapi pa ang bansa.

Ang pagbubuo ng Trial Chamber ay mahalagang yugto sa proseso, dahil ito ang magbubukas ng pormal na paglilitis kung saan tatalakayin ang ebidensiya at testimonya laban sa dating Pangulo.

Sa kasalukuyan, inaasahan ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga partido upang matiyak ang maayos na daloy ng proceedings.

---


Inanunsiyo ni US Acting Attorney General Todd Blanche ang tatlong federal charges na isinampa laban sa suspek sa likod ng pamamaril sa White House Correspondents’ Dinner sa Washington D.C. noong gabi ng Sabado, Abril 25.

Natukoy ang naturang suspek, na isa rin umanong assassin, na si Cole Tomas Allen, 31 anyos at Master’s degree holder.

Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa suspek ay attempted assassination kay US President Donald Trump na may parusang habambuhay na pagkakakulong at dalawang firearms offenses.

Idinetalye rin ni Blanche ang timeline bago isinagawa ng suspek ang shooting incident noong weekend.

Aniya, noong Abril 6, nag-book ang suspek ng reservation sa Washington Hilton. Noong Abril 21 naman, bumiyahe ang gunman mula Los Angeles patungong Chicago sa pamamagitan ng tren saka siya bumiyahe mula Chicago patungong Washington D.C.

Noong Abril 24, dumating ang suspek sa Washington D.C. ala-una ng hapon at nag-check in sa Washington Hilton.

Noong Abril 25, kung kailan nangyari ang shooting incident, lumapit ang gunman sa security checkpoint sa terrace level ng hotel, saka ito tumakbo patungong Magnetom armado ng mahabang baril at dito na narinig ng service personnel na nakatalaga sa checkpoint ang malakas na putok ng baril, kung saan isang officer ang tinamaan sa dibdib subalit nakaligtas dahil nakasuot ito ng ballistic vest. Nagawa nitong paputukan ang suspek, na bagamat hindi tinamaan, ay bumagsak sa ground at agad na inaresto.

Nakumpiska mula sa suspek ang semi-automatic handgun, isang pump-action shotgun at tatlong patalim.

Samantala, sa kaniyang pagharap sa korte sa Washington DC nitong Lunes, local time, hindi nagpasok ng plea ang suspek.