Inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD) ng lungsod na magsagawa ng misting operation sa iba’t ibang bahagi ng Maynila bilang tugon sa nararanasang matinding init.
Ayon sa Manila Public Information Office (PIO), iniutos ni Domagoso na agad itong isagawa upang makatulong sa pagpapahupa ng init at magbigay-ginhawa sa mga residente.
Sa gitna ng flag-raising ceremony sa Manila City Hall kahapon, nagpaalala si Domagoso sa mga kawani ng lokal na pamahalaan, lalo na ang mga outdoor frontliner, na mag-ingat sa gitna ng inaasahang 41 degrees celcius na heat index.
“Mag-iingat kayo. Lagi ninyong iisipin, kailangan n’yo ring pangalagaan ang inyong sarili,” ani Domagoso.
Hinikayat din ng lokal na pamahalaan ang publiko na uminom ng sapat na tubig, umiwas sa matagal na pagkabilad sa araw at maging alerto sa mga sintomas ng heat exhaustion.
----
Kulang na umano ang limang araw na paid leaves na ibinibigay sa mga empleyado kaya nais ni Parañaque City Rep. Brian Yamsuan na doblehin na ito.
“Our proposed measure reaffirms our commitment to fostering humane working conditions and supporting our labor force. Ang nakatalaga sa ilalim ng kasalukuyang batas na five days paid leave ay hindi na angkop sa working conditions natin ngayon,” sabi ni Yamsuan, miyembro ng House Committee on Labor and Employment.
Ayon kay Yamsuan ang House Bill 6602 ay hindi lamang pabor sa mga empleyado upang mabawasan ang kanilang stress at burnout kundi maging sa mga employer para tumaas ang kanilang produksyon.
Ipinunto ng mambabatas na ang limang araw na Service Incentive Leave (SIL) na nakasaad sa Labor Code ay naging epektibo mahigit 50 taon na ang nakakaraan kaya ito ay outdated at hindi na angkop sa modern work-life balance. (Billy Begas)
----
Tiniyak ng Malacañang ang kahandaan ng gobyerno sa El Niño phenomenon lalo na sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi na bago ang El Niño dahil naranasan na ito ng bansa nitong mga nakalipas na taon kaya alam na ng Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) ang mga gagawin upang hindi gaanong maapektuhan ang mga magsasaka.
Inatasan na rin aniya ang NIA na tukuyin ang mga lugar na maaapektuhan ng kakulangan ng tubig para palakasin ang irrigation system sa bansa.
“Ang El Niño ay nararanasan natin, hindi na ito bago kaya handa ang DA sa mga konkretong measures para ito ay maagapan,” ani Castro.
Kabilang sa mga ahensiyang tumutugon sa epekto ng El Niño ay ang Bureau of Soils and Water Management, PhilRice at regional offices ng DA. (Aileen Taliping)