Hindi magiging sagabal ang dinaranas na krisis sa enerhiya ng bansa para isulong at ituloy ang mga ginagawa ng gobyerno para sa kapakanan ng taongbayan.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang lingguhang vlog sa gitna ng patuloy na pagharap sa pagsubok sa epekto ng mataas na presyo ng langis dahil sa patuloy na tensiyon sa Middle East.
Ayon sa Pangulo, magpapatuloy ang paggawa ng mga kalsada, paghahatid ng serbisyong pang-kalusugan, pag-alay sa mga estudyante at pagpuksa sa krimen.
Magpapatuloy rin aniya ang pagtulong sa mga atleta, pagsusulong sa kultura at sining at pagpapalakas sa turismo.
“Kahit pabigat ang krisis natin sa enerhiya, ang trabaho ng gobyerno ay hindi maaaring doon lang tumigil,” anang Pangulo. (Aileen Taliping)
---
Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo, Abril 26, na may ilang grupo umanong nagsisikap na humingi ng suporta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa posibleng military-backed na “people power revolution” sa gitna ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte — ngunit malabo umanong magtagumpay ang ganitong mga hakbang.
Ayon kay Lacson, may impormasyong nakarating sa kanya na may ilang “retiradong opisyal” na nagsisikap mangalap ng suporta sa hanay ng AFP.
“Medyo definite ang meron talagang nag-a-attempt pero sa labas ng AFP. Kung meron man sa loob, mangilan-ngilan siguro na nare-recruit. At ito naman sinagot ng liderato ng AFP,” wika ni Lacson sa isang radio interview.
“Sa loob naman, ako personally wala akong namomonitor base sa aking contact ko sa loob ng PNP na may ganyang mag-snowball na layunin. Pero definitely may nag-a-attempt. Karamihan ang mga retired officers,” saad pa niya.
Nagsilbi si Lacson sa uniformed service mula 1971 hanggang 2001 sa parehong AFP at Philippine National Police (PNP). Naging PNP Chief siya mula 1999 hanggang 2001.
Sa tanong na kung may tsansa bang magtagumpay ang ganitong pagkilos, sinabi ni Lacson na wala dahil propesyonal ang AFP. (Dindo Matining)