Skip to content

April 27 - 6 am NEWS

April 27 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 27, 2026 | 7:52 AM

Pinabulaanan ni Palace Press Officer Claire Castro ang usap-usapang magkakaroon ng balasahan sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Castro, wala siyang impormasyon sa ngayon tungkol sa anumang planong pagpapalit sa hanay ng mga miyembro ng gabinete.

Nang tanungin kung kabilang siya sa mga posibleng mapalitan, sinabi niyang nagsisilbi siya batay sa tiwala at kagustuhan ng Pangulo, tulad ng iba pang opisyal ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, hintayin na lamang umano ng mga nagpapakalat ng maling balita ang mga “susunod na kabanata.”

Ilan sa naging rason ng mga espikulasyon ng pagbabago sa Marcos cabinet ay dahil sa presensya nina dating Sen. Mar Roxas, dating Interior Sec. Benhur Abalos at iba pang personalidad.

----

Ibinahagi ni Senador Risa Hontiveros na nananatiling matatag ang mga residente ng Pag-asa Island sa kabila ng panghaharang ng mga barko ng China sa kanilang pangingisda sa ancestral fishing grounds.

Aktibong kumikilos ang lokal na pamahalaan at mga mangingisda upang ipaglaban ang kanilang kabuhayan, habang patuloy ding isinusulong ang serbisyong pangkalusugan at edukasyon sa isla.

Ayon kay Hontiveros, ramdam ng komunidad ang tagumpay ng Pilipinas sa arbitral award noong 2016 at ipinapasa pa ito sa mga kabataan bilang bahagi ng kanilang kamalayan.

Kaugnay nito, isinusulong sa Senado ang West Philippine Sea Mandatory Education Bill upang palalimin ang kaalaman ng mga Pilipino sa kahalagahan ng pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa dagat.

Dagdag pa ng senadora, nadagdagan ng P8.6 bilyon ang pondo ng Philippine Coast Guard ngayong 2026 upang palakasin ang operasyon sa West Philippine Sea, kabilang ang pagbili ng mga bagong barko.

Itinuring din niyang mahalaga ang pagtatatag ng bagong Coast Guard district sa lugar bilang tugon sa patuloy na panghihimasok ng Tsina.

Bukod sa presensya ng gobyerno, inaasahan ang suporta mula sa Simbahang Katolika na magtatayo ng kapilya, gayundin ang mga pribadong sektor at civil society groups.

Para kay Hontiveros, inspirasyon ang mga residente ng Pag-asa Island na araw-araw ay isinasabuhay ang paninindigan na “West Philippine Sea, atin ito.”

---

Naglabas ng panibagong paalala ang pamahalaang lungsod ng Manila nitong Lunes, na hinihikayat ang mga residente na magsuot ng face mask dahil sa “very unhealthy” na kalidad ng hangin bunsod ng patuloy na sunog sa Navotas Sanitary Landfill.

Ayon sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (Manila City DRRM Department), batay sa kanilang air quality sensors, umabot sa mapanganib na antas ang polusyon sa hangin sa Maynila at mga karatig-lungsod pagsapit ng hatinggabi ng Abril 27.

Pinayuhan din ang publiko, lalo na ang mga malapit sa Puregold Tayuman, na manatili na lamang sa loob ng bahay kung hindi kinakailangang lumabas.

Hinikayat ang lahat na magsuot ng face mask bilang proteksyon laban sa masamang epekto ng maruming hangin, lalo na ang mga bata, senior citizens, buntis, at mga may sakit sa paghinga gaya ng asthma.

Patuloy pa ring nasusunog ang landfill at umabot na sa tinatayang 28.6 ektarya ang naapektuhan hanggang Abril 21, anim na araw matapos magsimula ang sunog.

Samantala, patuloy ding naglalabas ng paalala ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari at magsuot ng face mask dahil sa usok at smog mula sa nasusunog na landfill.