Bumubuo ng mga bagong plano ang US military para targetin ang depensa ng Iran sa Strait of Hormuz sakaling mabigo ang ceasefire, ayon sa ilang sources na pamilyar sa usapin.
Kabilang sa ilang ikinokonsidera ay ang mga pag-atake na nakatuon sa “dynamic targeting” sa kapasidad ng Iran sa palibot ng Strait of Hormuz, southern Arabian Gulf at Gulf of Oman.
Inilarawan din ng sources ang potensiyal na mga pag-atake laban sa maliliit na fast attack boats, pagtatanim ng mina sa mga barko at iba pang asymmetric assets, na nakatulong sa Iran para epektibong maisara ang mga pangunahing ruta sa dagat at gamitin ang mga ito laban sa Amerika.
Ang mga bagong plano ay tumatawag para sa isang mas concentrated na kampanya ng pambobomba sa paligid ng mga estratehikong daanan ng tubig.
Ayon pa sa sources, maaaring isunod ng US military ang dating banta ni US President Donald Trump na pagtira sa dual-use at infrastructure targets, kabilang ang energy facilities, para mapilit ang Iran na makipagdiyalogo sa US.
Nauna na ngang nagbanta si Trump na ipagpapatuloy ng US ang kanilang combat operations kung walang diplomationg resolusyon sa giyera.
Isa pang opsyon na na-develop ng military planners ay ang pag-target sa individual Iranian military leaders at iba pang “obstructionists” sa loob ng rehimen, na ayon sa US officials ay aktibong sinisira ang mga negosasyon, kabilang si Ahmad Vahidi, na nagsisilbing Commander-in-Chief ng Islamic Revolutionary Guard Corps.
Dagdag pa sa US strikes ay ang posibleng pagtarget sa natitirang military capabilities ng Iran, kabilang ang missiles, launchers, at production facilities na hindi nabuwag sa inisyal na bugso ng pag-atake ng US at Israel.
----
Mariing kinondena ni Pope Leo ang pagpatay sa libu-libong mga nagpoprotesta sa Iran at muling iginiit ang kanyang pagtutol sa digmaan. Ginawa niya ang pahayag sa isang press conference habang pauwi sa Roma matapos ang kanyang apat na bansang pagbisita sa Africa.
Ayon sa Santo Papa, hindi katanggap-tanggap ang pagkitil ng buhay ng inosenteng mamamayan. Binigyang-diin niya na bilang isang spiritual lider, hindi siya maaaring sumuporta sa anumang uri ng digmaan.
Ang pahayag ay kasunod ng naging komento ni U.S. President Donald Trump na kumuwestiyon kung bakit hindi agad nagsalita ang Pope hinggil sa sitwasyon sa Iran. Bagamat hindi niya direktang sinagot ito, iginiit ni Pope Leo ang kanyang paninindigan laban sa karahasan at digmaan.
Binanggit din ng Santo Papa ang patuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na aniya’y nagdudulot lang ng matinding paghihirap sa mga ordinaryong mamamayan.
Inilarawan niya pa ang ceasefire bilang magulo at walang malinaw na direksyon.
Samantala, ipinagtanggol din ni Pope Leo ang kanyang pagbisita sa ilang bansa sa Africa. Ayon sa kanya, layunin ng Vatican na tahimik na itaguyod ang katarungan at mapabuti ang kalagayan ng mga tao sa halip na gumawa ng hayagang pagkondena.
Sa huli, nanawagan ang Santo Papa sa mga pinuno ng mundo na isaalang-alang ang kapakanan ng mamamayan at isulong ang mapayapang solusyon sa halip na magpadala sa military power.