Skip to content

April 24 - 7 am NEWS

April 24 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 24, 2026 | 9:43 AM

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi inaresto ang puganteng si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, pero nalimitahan ang kanyang kalayaan sa Czech Republic.

Sa pahayag ng DOJ sa media, ipinaliwanag na nagkaroon umano ng “intervention” mula sa mga awtoridad ng Czech Republic laban kay Co, kung saan isang aksyon na hindi man maituturing na pormal na pag-aresto, ay nagresulta naman sa kontroladong galaw o “restrained liberty” ng dating mambabatas.

Dagdag pa ng DOJ, maihahambing ito sa sitwasyon sa paliparan, kung saan ang isang pasahero ay hindi pinapayagang makapasok o makaalis ng bansa, ibig sabihin hindi inaresto, pero hindi rin malayang kumilos.

Paliwanag naman ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, mali ang paglalarawan na inaresto si Co at nilinaw na ipinabatid ng mga awtoridad ng Czech Republic sa Pilipinas ang pagkakatagpo sa dating kongresista.

“We have to be careful with the nomenclature. He was not arrested. When Zaldy Co was found in the Czech Republic, their government notified the Philippines,” ayon kay Martinez.

Aniya, hindi tugmang gamitin ang salitang “arrest” dahil wala namang hurisdiksyon ang Czech Republic sa mga isinampang kaso laban kay Co sa Pilipinas.

“The Czech Republic cannot lawfully arrest Zaldy Co because he has no outstanding warrant there. The case is pending in the Philippines. So these are two different jurisdictions,” sabi ng opisyal.

Ayon pa kay Martinez, si Co, na nahaharap sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y iregularidad sa flood control projects, ay “subject of official law enforcement action by Czech authorities.”

Sa tanong kung nakadetine si Co sa Czech Republic, sinabi ni Martinez na, “We’ll find out more once [Secretary Fredderick Vida] has touched base with Czech authorities.”

Kasama ni Vida na lumipad patungong Czech Republic si Chief State Counsel Dennis Chan upang pormal na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa nasabing bansa para maiuwi si Co sa Pilipinas. (Prince Golez/Aileen Taliping

----

Naghahanda na ang pamahalaan sa posibleng matinding El Niño na maaaring maranasan sa huling bahagi ng 2026.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), umaabot na sa 92 porsiyento ang tsansa ng moderate hanggang strong El Niño na maaaring magdulot ng matagal na tagtuyot, pagbaba ng produksiyon sa agrikultura at pagtaas ng presyo ng pagkain.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi na dapat itanong kung magkakaroon ba ng El Niño, kundi kung gaano ito katindi.

Batay kasi sa projection ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), maaaring bumaba ang ulan at posible ring maranasan ang isang super El Niño na may pagtaas ng temperatura na hanggang 2.2 degree Celsius.