Nakatakdang bumisita sa Japan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa darating na buwan ng Mayo.
Ayon sa Malacañang na isasagawa ang apat na araw mula Mayo 26 hanggang 29.
Makakasama niya sa pagbisita na imbitasyon ng gobyerno ng Japan si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Magsasagawa si Pangulong Marcos ng summit meeting kay Japanese Prime Minister Sanae Takaichi.
Inaasahan na tatalakayin ng dalawang lider ang mahigpit na ugnayan ng Japan at Pilipinas.
Kasama rin ang pulong nito sa mga negosyante ng Japan at mga Filipino community sa Japan.
**
Hiniling ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na mag-inhibit ang Office of the Ombudsman sa imbestigasyon laban sa kanya kaugnay ng umano’y kontrobersya sa flood control projects, dahil aniya ay may “pattern of prejudgment” na lumalabag sa due process.
Sa apat na pahinang liham na may petsang Abril 22, 2026, iginiit ng kanyang mga abogado mula sa Villaraza & Angangco na ang mga pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla at ilang opisyal nito ay nagpapakita na tila napagdesisyunan na ang pagsasampa ng kasong plunder kahit wala pang pormal na reklamo o preliminary investigation.
Binanggit ng kampo ni Romualdez na nagsimula pa noong Nobyembre 2025 ang umano’y bias nang sabihin ni Remulla na pinag-aaralan na ng kanyang tanggapan ang kaso at posibleng may plunder charges.
Pagsapit ng Abril 2026, lumabas pa ang mga pahayag na seryosong inihahanda ang kaso, na ayon sa depensa ay indikasyon ng maagang pagbuo ng prosecution theory.
**
Nanawagan si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste sa Office of the President na imbestigahan ang mga ulat ng diskriminasyon sa pamimigay ng ayuda.
Sa isang pulong balitaan ngayong Biyernes sa House of Representatives, ibinunyag ng mambabatas na mayroong isang kapitan ang sinabihan ng presidente ng Liga ng Barangay sa Batangas na hindi sila kasama sa mabibigyan ng ayuda dahil “nagtatampo” raw sa kanila si Governor Vilma Santos-Recto.
Ayon sa kongresista, naipaabot na nila ang naturang isyu sa Malacañang at tiniyak naman umano ng Palasyo na ihahabol ang P200,000 para sa mga barangay na hindi naisama sa pamamahagi ng ayuda ngayong araw.
Nanawagan si Leviste kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibigay ang naturang halaga sa mga hindi naimbitahang barangay at imbestigahan ang pamimigay ng ayuda sa pangunguna umano ni Executive Secretary Ralph Recto.
Umapela rin ang mambabatas na suspendihin ang excise tax at value-added tax sa langis upang hindi na madamay pa ang taumbayan sa maling sistema ng pamimigay ng ayuda.
April 24 - 6 am NEWS
Apr 24, 2026 | 8:17 AM