Skip to content

April 23 - 8 am NEWS

April 23 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 23, 2026 | 10:07 AM

Inihayag ng US na wala pang time frame sa ngayon para mawaksan ang giyera sa Iran.

Ito ay matapos sabihin ng Iran na imposibleng muling buksan ang Strait of Hormuz.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang paghahanda para sa pagpapatuloy ng peace talks sa Pakistan.

Ayon kay Iranian President Masoud Pezeshkian, nananatiling bukas ang Iran sa mga diskusyon subalit sinabi ring nananatiling hadlang sa tunay na negosasyon ang paglabag ng US sa kanilang commitments gayundin ang blockade sa Iranian ports at mga banta nito.

Nananatili naman sa Amerika si US Vice President JD Vance, na inaasahang mangunguna sa delegasyon ng Amerika sa peace talks sa Pakistan.

Samantala, bagamat nauna nang pinalawig pa ni US President Donald Trump ang ceasefire o tigil putukan, sinabi ni House Press Secretary Karoline Leavitt na “open-ended” ang ceasefire extension at walang bagong deadline para rito.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang tensiyon sa Strait of Hormuz, kung saan sinabi ng Iran chief negotiator na imposibleng mabuksan muli ang lagusan dahil sa mga paglabag ng US at Israel sa ceasefire.

---

Maglalaan ang United Kingdom ng hanggang £660 million o katumbas ng humigit-kumulang $892 million sa France sa loob ng tatlong taon bilang bahagi ng bagong kasunduan upang pigilan ang pagtaas ng illegal migrant crossings sa English Channel.

Ayon sa mga opisyal, ang pondo ay gagamitin upang palakasin ang seguridad sa baybayin ng northern France, kung saan nakapagtala nang libo-libong iligal na pagtawid ng mga migrante patungong UK.

Batay sa datos, umabot sa humigit-kumulang 41,000 katao ang tumawid sa Channel noong 2025, na halos katumbas ng record noong 2022.

Sa ilalim ng kasunduan, £500 million ang ilalaan para sa pagpapalakas ng enforcement operations, kabilang ang pag-deploy ng halos 1,100 tauhan ng pulisya, intelligence operatives, at military personnel sa mga coastal areas.


Dagdag pa rito, ilalabas lamang ang £160 million kung mapapatunayang epektibo ang mga bagong hakbang sa pagbawas ng crossings. Kapag hindi nagtagumpay, maaaring itigil ang naturang pondo matapos ang isang taon.

Papalitan ng bagong kasunduan ang naunang three-year agreement noong 2023 na nagkakahalaga ng humigit-kumulang £480 million.

Kasama sa bagong plano ang pagbuo ng 50-kataong riot police unit, mas pinalawak na intelligence at judicial teams, at karagdagang maritime patrols.

Gagamit din ng drones, dalawang helicopter, at upgraded camera systems ang dalawang bansa para sa mas mahigpit na pagbabantay sa karagatan.

Magdadagdag din ang France ng bagong patrol vessel at mahigit 20 maritime officers upang pigilan ang mga bangkang ginagamit sa pagtawid.

Ayon sa UK government, ang pinagsamang operasyon ng dalawang bansa ay nakapigil na sa mahigit 42,000 na mga iligal na tumatawid mula nang maupo ang government Labour sa pamumuno ni Prime Minister Keir Starmer noong Hulyo 2024.