Mula sa watch status, itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa alert status ang pagbabantay sa pagtama ng El Niño sa bansa sa susunod na mga buwan.
Ayon kay Pagasa Administrator Nathaniel Servando, nasa 79% na ang tsansa na mabuo ang El Niño sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto na posible pang tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.
Matatandaang naglabas ng El Niño Watch ang ahensiya noong Marso 25 nang umabot sa 55% ang posibilidad ng pamumuo nito sa loob ng anim na buwan.
Babala ni Servando, maaaring magdulot ang El Niño ng tagtuyot at dry spell bagama’t posible pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan sa ilang lugar dulot ng habagat. (Issa Santiago)
----
Lumobo ang bilang ng nagkakainteres sa P2 billion e-transport loan na programa ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, maraming mga operators, drivers at malala¬king cooperatives ng taxi at jeep ang lumapit sa kanila matapos ilunsad ang P2 billion e-transport loan nitong April 21.
Pangunahing dahilan aniya ng mga gustong mag-loan ang mataas na presyo ng petrolyo na dahilan ng maliit na kita ngayon ng mga driver at operator.
Handa aniya ang pamahalaan na tulungan ang apektadong sektor ng transportasyon sa nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East na dahilan ng pagsipa ng presyo ng petrolyo.
Pinayuhan naman ng DTI ang mga gustong mag-apply ng programa para sa mas mabilis na proseso dapat ay siguraduhin na kumpleto ang mga requirements ng mga ito.
Bagaman, sa susunod na linggo pa mailalabas ang datos o percentage sa itinaas ng interes ng mga cooperatives, sinabi ni Roque na lumobo ang mga nag-apply at nag-register sa programa. (Chill Emprido)
----
Naniniwala si Atty. Nicholas Kaufman na “big catch” ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at hindi umano ito basta pakakawalan.
Sa panayam sa mga tagasuporta ng mga Duterte sa The Hague, Netherlands nitong Miyerkoles, sinabi ni Kaufman na hindi na sila nagulat sa desisyon ng ICC Appeals Chamber na pinagtibay ang hurisdiksiyon sa kaso ng dating Pangulo.
“We weren’t really surprised about today’s decision. I was even hinting at it yesterday. When I met the former president, I said don’t build up your hopes and he was stoical,” ani Kaufman.
Ayon kay Kaufman, kung pumabor ang naging desisyon sa depensa, wala na sanang matitira pang usapin sa docket ng korte.
“Rodrigo Duterte is the big catch of this court and it was never really my impression that they would let him go that easily,” dagdag pa niya.
Samantala, wala pang desisyon ang Supreme Court (SC) sa nakabinbing petisyon na kumukuwestiyon sa hurisdiksiyon ng ICC laban kay Duterte, kaya hindi pa rin tiyak kung mawawalan na ito ng saysay.
Matatandaang inihain ng mga anak ni Duterte ang petition for habeas corpus na iginiit na ilegal ang pag-aresto at paglipat sa kanya sa ICC, kahit kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2018 na nagkabisa noong 2019.
Sa panig naman ng Office of the Solicitor General (OSG), hiniling nito na ibasura ang petisyon dahil nasa ICC custody na ang dating Pangulo at doon na siya aktibong dumedepensa. (Angelika Cabral/Prince Golez)