Skip to content

April 22 - 7 am NEWS

April 22 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 22, 2026 | 8:44 AM

Naglabas ng kautusan ang Korte Suprema na nag-uutos sa Malacañang na magkomento sa petisyon para sa mandamus na inihain ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ang naturang petisyon ay humihiling na obligahin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sumailalim sa pisikal at mental na pagsusuri, kabilang ang hair follicle drug test.

Kasama sa kahilingan ng petisyon ang direktiba na ilabas at ipahayag sa publiko ang isang medical report na naglalaman ng resulta ng pagsusuri, kabilang ang klinikal na kumpirmasyon ng kanyang pisikal at mental na kakayahan upang gampanan ang tungkulin bilang Pangulo.

Binigyan ng 10 araw na hindi na maaaring palawigin ang mga respondent mula sa oras ng pagtanggap ng abiso upang magsumite ng kanilang komento.

Ang hakbang na ito ng Korte Suprema ay nagbubukas ng mas malalim na usapin hinggil sa transparency at accountability ng pinakamataas na opisyal ng bansa, lalo na sa gitna ng mga panawagan para sa mas malinaw na pagtiyak sa kalusugan at kakayahan ng Pangulo.

----

“No show” muli si Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment proceedings ng House Committee on Justice ngayong Miyerkules.

Ayon kay Committee Chairperson Rep. Gerville Luistro, hindi sapat ang mga pahayag ng Bise Presidente sa labas ng Kongreso dahil ang tamang lugar para magpaliwanag ay sa harap ng komite.

Sa pagbubukas ng pagdinig, inilatag ni Luistro ang tinagurian niyang “body of evidence” na nakalap mula sa mga nakaraang testimonya at dokumento.

Kabilang dito ang:
– Pahayag ni Ramil Madriaga na P125 milyon na confidential funds ng OVP ay na-disburse sa loob ng 24 oras.
– Mga notice of disallowance mula sa Commission on Audit (COA) kaugnay ng P73 milyon noong 2022 at tatlong disallowances noong 2023 na umabot sa P375 milyon.
– Testimonya ng NBI na may iisang pirma sa mga resibo ng confidential funds kahit magkaiba ang pangalan ng mga tumanggap.
– Pagpapatunay ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang ilang pangalan ng tumanggap ng pondo ay walang rekord sa civil registry.

Giit ni Luistro, hindi paisa-isa ang ebidensiya kundi magkakaugnay, na nagpapakita ng pattern sa paggamit ng confidential funds.

“Kung ayaw humarap ng Bise Presidente, hayaan natin na ang mga numero ang magkwento,” pahayag ng mambabatas.

Samantala, dumalo sa pagdinig si dating Senador Antonio Trillanes IV upang magsumite ng mga dokumento kaugnay ng umano’y unexplained wealth ni Duterte.

Naroon din sina Assistant Ombudsman Mico Clavano, Ombudsman Jesus Crispin Remulla, at BSP Governor Eli Remolona Jr. bilang mga resource persons.

Mariin namang tinuligsa ng kampo ni Duterte ang proseso, na tinawag nilang “mini-trial” na aniya’y nagpapakita ng “abuse and corruption” ng ilang miyembro ng komite.