Skip to content

April 22 - 6 am NEWS

April 22 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 22, 2026 | 7:50 AM

Tinanggihan ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ni dating pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang kasong crimes against humanity laban sa kanya dahil sa umano’y kawalan ng hurisdiksyon.

Sa ruling nitong April 22, sinabi ng tribunal na nananatili ang kanilang hurisdiksyon kahit umatras ang Pilipinas sa ICC noong 2019.

Ayon kay Presiding Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza, moot na rin ang kahilingan para sa agarang pagpapalaya ni Duterte.

Saklaw ng kaso ang 78 umano’y pagpatay at tangkang pagpatay mula 2011 hanggang 2019.

Nauna nang pinagtibay ng Pre-Trial Chamber ang hurisdiksyon ng ICC sa kaso.

Inaabangan na ang desisyon kung aabot ito sa full trial.

----

Tiniyak ni Naga City Mayor Leni Robredo na wala na siyang balak tumakbo sa anumang pambansang posisyon sa 2028 at sa halip ay muling kakandidatong mayor ng kanilang siyudad.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Robredo na marami pa siyang dapat gawin sa kanilang lugar kaya hindi tatakbo sa national post.

“Sigurado na ako sa sarili ko na hindi ako mag-national,” sabi ni Robredo sa 91.1 DWNX FM.

Inihayag din ng dating­ bise presidente na sa tingin naman niya ay maisasakatuparan ang mga nais pa niyang gawin para sa Naga City.

Ipinahiwatig ni Robredo na napakaikli ng panahon para sa kanyang unang termino kaya nais niyang ituloy ang mga nasimulan at muling tatakbong mayor ng siyudad.

“Ako sa tingin ko, ang three years maiksi. Maik­si siya para gawin ang lahat. In fact, very frustrating para sa akin… na marami ang gusto kong gawin na hindi ko mamadali,’ ani Robredo.

Binanggit din ni Robredo ang pagdaan sa tamang proseso at burukrasya kaya hindi nagiging mabilis ang paggawa ng mga dapat maisakatuparan.

----

Handang-handa na ang Philippine National Police (PNP) para sa pagdating sa Pilipinas ni da­ting congressman Zaldy Co na posibleng unang i-turn over ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) bago ibigay sa Sandiganbayan.

Sinabi ni PNP spokesperson Randulf Tuaño noong Lunes na ang CIDG ang magbibigay ng seguridad kay Co at magpo-proseso sa medical at physical examinations at booking procedure pagdating nito sa Camp Crame bago pa ang return of warrant sa Sandiganbayan, na magpapasya kung saan ikukulong ang dating mambabatas.

“Handang-handa na po ang Philippine National Police sa pagda­ting niya sa Pilipinas,” sabi ni Tuaño.

Sinabi pa ni Tuaño na wala pang eksaktong petsa para sa pagbabalik ni Co.

Noong Lunes ay inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na nananatili pa rin si Co sa kustodiya ng Czech Republic.