Negatibo na ang outlook ng Fitch Ratings sa Pilipinas dahil sa epekto ng krisis kahit na pinanatili ang BBB investment-grade rating ng bansa
Ayon sa credit ratings agency, tumataas ang panganib sa ekonomiya dahil sa energy shock, habang nadadagdagan pa ito ng mga problema sa pamamahala at paghina ng ekonomiya.
“The outlook change reflects ‘rising risks to the Philippines’ strong medium-term growth prospects from recent disruptions to public investment,’” ayon sa Fitch, na nagsabing pinalalala pa ito ng “elevated exposure to the ongoing global energy shock.”
Tinataya ngayon na babagal ang ekonomiya sa 4.6% sa 2026, mas mababa sa target na 5% hanggang 6%, dahil sa naantalang proyekto ng gobyerno at mahal na fuel na pumipigil sa gastos at negosyo.
Pinuna din ng Fitch ang duda sa pamamahala sa bansa o governance na tinuturing nitong kahinaan na pabigat sa credit profile ng bansa.
Gayunpaman, sinabi ng ahensya na hindi nito inaasahang maaapektuhan ang economic policy kahit may tensyon sa gobyerno.
“Ongoing investigations into fund misallocation in public projects leave lingering political risks. Still, we do not anticipate political tensions to undermine economic policy making,” dagdag nito. (Eileen Mencias)
----
Inianunsiyo ng Malacañang ang pagpapalabas ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM) sa halagang P46.22 bilyon para matustusan ang 1,743 infrastructure projects sa buong bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, layon nito na magtuloy-tuloy ang pagsulong ng mga proyekto para maramdaman ng taongbayan ang pag-unlad at sisiguruhing walang maaantalang mga proyekto.
Ang nabanggit na pondo ay nai-release na ng DBM sa Department of Public Works and Highways para sa pagsasaayos ng road connectivity, maging daan sa mga oportunidad sa ekonomiya sa lahat ng rehiyon sa bansa.
“Walang project na maantala para maramdaman ng taong bayan ang progreso,” ani Castro.
Kabilang sa paggagamitan sa pondo ay ang Davao City bypass construction project na nagkakahalaga ng P288 milyon. para sa fiscal year 2026. (Aileen Taliping)
----
Sesentro ang impeachment hearing ng House Committee on Justice nga¬yong Miyerkoles, Abril 22, sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at dokumento mula sa Anti Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa mga bank transaction ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon sa financial documents, tax records, at bank transactions ibabatay ng mga miyembro ng komite kung mayroong probable cause ang alegasyon na mayroong hindi maipaliwanag na yaman si Duterte.
“Mas mabigat ang susunod na pagdinig sa impeachment ng Pangalawang Pangulo dahil wala nang star witness na pag-uusapan. Hindi na mga personalidad ang sentro ng usapan—mga dokumento na mismo ang magsasalita,” sabi ni Ridon.
Ipinatawag sa pagdinig ang mga opisyal ng Office of the Ombudsman, Securities and Exchange Commission (SEC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang isumite sa komite ang SALN at income tax return ni Duterte, pati na ang corporate records ng asawang si Atty. Manases Carpio, at ang report sa anumang suspicious bank transactions ng mag-asawa.
Ayon kay Ridon, sisilipin ng Justice committee kung tumutugma ang P88.5 milyong net worth ni Duterte noong 2024 sa mga bank transaction nito at mga financial document.
“Kailangang magtugma ang idineklara niyang halaga ng kanyang kayamanan sa SALN at sa records ng BIR at SEC,” sabi ng solon. “Kung makita ng komite na ang totoong kayamanan ng Pangalawang Pangulo ay halos doble na ng kanyang SALN, malinaw na puwede itong maging sapat na batayan para sa probable cause ng unexplained wealth.”
Nang tanungin kung susuriin din ng komite ang mga bank account na sinabi ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na pinasukan umano ng daan-daang milyon kundi man bilyon mula sa illegal drug trade, sinabi ni Ridon na dapat munang malaman kung totoo ang naturang mga account.
Ipina-subpoena ng komite si Trillanes dahil sa alegasyon nito na higit P2.4 bilyong transaksiyon ang pumasok mula 2006 hanggang 2015 sa mga account ng pamilya Duterte, kabilang na ang joint account ng Bise Presidente. (Billy Begas)