Skip to content

April 20 - 8 am NEWS

April 20 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 20, 2026 | 9:46 AM

Inatasan ang Israeli military na gumamit ng “full force” o buong pwersa laban sa Lebanon sakaling malagay sa panganib ang kanilang mga tropa sa kabila pa ng umiiral na ceasefire o tigil-putukan.

Ayon kay Defense Minister Israel Katz, ipinag-utos niya at ni Prime Minister Benjamin Netanyahu sa Israeli Defense Forces na kumilos ng buong pwersa, kabilang ang mga nasa ground at air forces, para maprotektahan ang kanilang mga sundalo na nasa Lebanon mula sa anumang banta.

Ipinag-utos din sa Israeli military na buwagin ang anumang “booby-trapped” structure at kalsada at naglalagay sa kanilang mga sundalo sa panganib.

Gayundin, inatasan ang army na tanggalin ang mga bahay malapit sa border na nagsisilbing outposts ng Hezbollah at banta sa komunidad ng Israelis.

Ginawa ng Defense Minister ang pahayag matapos mapatay ang isang sundalong Israeli nang pumasok ito sa isang “booby-trapped” building noong Biyernes sa southern Lebanon, matapos na maging epektibo ang sampung araw na ceasefire sa pagitan ng Israel at Lebanon.

---

Inakusahan ni US President Donald Trump ang Iran ng “total violation” o ganap na paglabag sa ceasefire matapos umanong magpaputok sa mga barko sa Strait of Hormuz.

Nagbabala rin si Trump na posibleng wasakin ng Estados Unidos ang mga tulay at power plant ng Iran kung hindi ito papayag sa alok na kasunduan ng Amerika.

Sa kanyang pahayag sa internet, sinabi ni Trump na “very fair and reasonable” ang kanilang alok, ngunit kapag tumanggi ang Iran, handa umano ang U.S. na targetin ang mahahalagang imprastraktura nito.

Sa kabila naman ng pananadaliang pagbubukas ng Hormuz Strait noong nakalipas na linggo, nananatiling apektado ang shipping ng langis.

Nakapagtala rin ng insidente kung saan dalawang barko ang pinaputukan habang papalapit sa lugar.

Sa gitna nito, nakatakdang magtungo sa Pakistan ang mga kinatawan ng U.S. para sa panibagong usapang pangkapayapaan.