Tinukuran ni Camarines Sur Rep. Migz Villafuerte ang panukala na suspendihin ng dalawang buwan ang pangongolekta ng value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo upang makatulong na hindi malaglag sa kahirapan ang may 1.34 milyon hanggang 3.5 milyon na halos purdoy na Pilipino.
Ayon kay Villafuerte ang panukala ni Marikina City Rep. Miro Quimbo, ang nangunguna sa 13 committee Legislative Energy Action and Development (LEAD) Council, ay makatutulong upang maibsan ang paghihirap ng mga ordinaryong pamilya mula sa mataas na presyo ng produktong petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa Bicol solon, dapat gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ang pagtataya ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na nasa 1.34 milyon Pilipino ang malalaglag sa kahirapan kapag ang presyo ng kurudo sa pandaigdigang pamilihan ay umakyat ng $105 kada bareles at ang pass-through rate sa domestic prices ay nasa 35%.
Kung ang presyo ay aakyat sa $125 kada bareles, ayon sa PIDS ang maaaring mahulog sa kahirapan kung walang gagawin ang gobyerno ay aabot sa 2.35 milyon. Aakyat naman ito sa 3.5 milyon kung ang presyo ay aabot sa $145 kada bariles.