Umabot sa tinatayang 19 na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa engkwentro laban sa militar sa Brgy. Salamanca, Toboso, Negros Occidental.
Nagsimula ang sagupaan alas-3:58 ng madaling araw kahapon at tumagal hanggang hapon. Ayon kay Lt. Col. Eric Alfonso, commanding officer ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army, kabilang sa nasawi si Arnel Tapang, ang most wanted NPA leader na may patong sa ulo na P1 milyon.
Nahulog sa fishpond ang ilang bangkay kaya natagalan ang retrieval operation.
Siyam na baril ang narekober sa encounter site.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 1st Lt. Fevie Fajardo, civil military officer ng 79th Infantry Battalion, isang sundalo ang nasugatan ngunit agad nabigyan ng paunang lunas at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Samantala, umabot sa 653 indibidwal o 168 pamilya ang lumikas mula sa Sitio Dawis at Sitio Catubig ng Brgy. Udtongan; Sitio Pantalan ng Brgy. San Jose; at Sitio Plariding ng Brgy. Salamanca. Sila ay pansamantalang nanunuluyan sa Udtongan Elementary School, Toril Elementary School, San Jose Elementary School, at Labi-labi Elementary School.
Nagpaalala si Toboso Municipal Mayor Richard Jaojoco sa mga residente na agad lumikas sa ligtas na lugar tuwing may sagupaan at huwag bumalik hangga’t walang abiso mula sa militar.
-----
Iniulat ng U.S. State Department ang nakatakdang pagtatatag ng United States at ng Pilipinas ng 4,000-acre (1,620-hectare) industrial hub.
Ito ay kasunod ng pagsama ng Pilipinas sa Pax Silica, isang inisyatiba na pinangungunahan ng Washington, para makakuha ng sapat na Artificial Intelligence (AI) at semiconductor supply chains.
Ayon sa US, ang naturang initiative ay isa sa mga pangunahing economic statecraft strategy ng Trump administration upang hindi lamang ito umaasa sa mga bansang itinuturing ng US bilang rivals o kalaban.
Target din nitong patatagin ang kooperasyon ng US sa mga bansang kinikilala nito bilang allied partners.
Ang Pilipinas ang ika-13 bansa na pumirma sa Pax Silica. Sa ilalim ng naturang programa, target na mapalakas ang supply chain para sa semiconductor, at iba pang critical minerals, habang pinapalawak ang production at manufacturing, at data infrastructure.
Kabilang sa iba pang mga signatory ay ang Australia, Finland, India, Qatar, South Korea ?at Singapore.