Skip to content

April 17 - 7 am NEWS

April 17 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 17, 2026 | 9:42 AM

Ang normal na ingay mula sa lehitimong aktibidad ng paaralan ay hindi nuisance at hindi maaaring pagbayarin ng danyos ang eskwelahan, ayon sa Supreme Court (SC).

Binaligtad ng SC Third Division ang Court of Appeals at pinaboran ang Couples for Christ School of the Morning Star laban sa reklamo ng ilang residente sa Butuan City.

Ayon sa mga residente, naaabala sila sa ingay ng tambol, bugle, microphone, at hiyawan ng mga estudyante sa mga aktibidad ng paaralan na umano’y nakakaistorbo sa kanilang katahimikan.

Giit ng paaralan, may mga permit ito at ang ingay ay normal na bahagi ng operasyon. Nakapasa rin sa limitasyon ng noise test ang lugar at nagsagawa sila ng mga hakbang para mabawasan ang ingay.

Una nang ibinasura ng Regional Trial Court ang reklamo, ngunit binaliktad ito ng Court of Appeals at sinabing nuisance ang ingay.

Pinawalang-bisa ito ng SC at iginiit na ang “academic noise” ay hindi nuisance kung hindi ito umabot sa antas na nakakasama o nakakaistorbo sa kalusugan at pandama.

Ayon sa SC, walang sapat na ebidensya na nagdulot ng pinsala ang ingay at ito ay inaasahan sa operasyon ng isang paaralan. (Prince Golez)

----

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang P4 bilyong emergency loan program ng Small Business Corp. ng Department of Trade and Industry (DTI) bilang tulong sa mga micro, small at medium enterprise (MSME) na pinilay ng global oil shock.

Sabi ni Executive Secretary Ralph Recto, layunin ng programa na tulungan ang mga negosyong naiipit sa tumataas na logistics costs, sumisikip na cash flow at mga aberya sa supply chain dala ng sigalot sa Middle East.

Sa ilalim ng financing package, puwedeng umutang ang mga apektadong MSME mula P30,000 hanggang P20 milyon sa ilalim ng concessional terms. Mababa ang interes, limang taon pa ang bayaran, at may isang taong grace period pa ang pautang.

“The President has envisioned this loan program as a lifeline to MSMEs against the backdrop of limited access to financing, more so at this time of economic challenges sweeping the globe,” ani Recto. (Eileen Mencias)