Muling nagpakitang-gilas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang pabulaanan ang kumakalat na fake news tungkol sa kanyang kalusugan.
Pinangunahan ni Marcos ang pamamahagi ng bigas sa Maynila sa ilalim ng programang “Biyayang Bigas Para Sa Maynila” nitong Huwebes, Abril 16.
Ang Pangulo ang personal na nag-abot sa bawat benepisyaryo ng isang sakong bigas, kung saan ilang ulit din niyang binuhat at inangat ang bigas na 10 kilo ang bigat.
Sigaw pang hirit ni Marcos, “Sinong may sakit?”
Samantala, layunin naman ng programa na magbigay ng 10 kilong bigas anim na beses sa isang taon sa humigit-kumulang 80,000 pamilya.
Ito ay bilang tulong umano sa mga pamilya sa gitna ng epekto ng tensyon sa Middle East.
Kasama naman sa aktibidad sina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza. (Angelika Malillin)
----
Tatlong pirma na lamang ang kulang upang maisampa sa plenaryo ang partial report ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) hinggil sa flood control issue, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes.
Sinabi ni Lacson, chairman ng komite na as of April 15, lumagda na sa partial report si Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Blue Ribbon vice chairman Erwin Tulfo, habang hindi bababa sa dalawa pa ang nagpahiwatig na pipirma rin.
“As of yesterday, two other colleagues also signed – Senate President Sotto as ex-officio and Sen. Erwin Tulfo, BRC Vice Chairman. At least two others have indicated their willingness to sign,” ani Lacson.
Binanggit ng senador na ilang miyembro ng komite ang nagdadalawang isip na pumirma sa BRC report dahil dawit dito ang ilang miyembro ng minority bloc.
Ani Lacson, bagama’t hindi niya pipilitin ang kapwa miyembro sa Blue Ribbon na lumagda sa partial report bilang paggalang sa kanilang mga indibidwal na desisyon, nag-alok si Sotto na tumulong.
“I told SP Sotto earlier that I won’t plead with our fellow BRC members to affix their signatures on the partial committee report because I respect their individual decisions, whatever reasons they have in refusing to sign. Hence, SP Sotto promised to help in that regard,” aniya.
Noong Pebrero, binawi nina Senador Sherwin Gatchalian, JV Ejercito at Juan Miguel Zubiri ang kanilang pirma sa partial report. (Dindo Matining)
----
Hindi nangampanya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para ibigay ang posisyon kahit kanino at nangakong magtatrabaho para sa bayan at tatapusin ang kanyang termino.
Ito ang inihayag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing nitong Miyerkoles, kasunod ng alegasyon ni Ramil Madriaga sa House Justice committee noong Martes.
Ayon kay Madriaga, mayroon umanong kasunduan ang mga Marcos at Duterte noong 2021 na bababa sa puwesto si Pangulong Marcos Jr. pagsapit ng 2025 para bigyang-daan si Vice President Sara Duterte.
Nagbanggit din ni Madriaga ang umano’y plano ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at ilang retiradong heneral ng militar upang maalis si Marcos sa puwesto, kabilang ang sinasabing assassination plot.
Ayon kay Castro, nagulat ang Pangulo sa mga paratang at mariing itinanggi ang ano mang kaalaman sa sinasabing kasunduan. (Angelika Cabral)