Nagpulong sina Executive Secretary Ralph Recto at Chinese Ambassador Jinq Quan kahapon Martes, upang talakayin ang pangkalahatang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at China.
Binigyang-diin ng Embahador ang muling pagsisimula ng mga diyalogo na may layuning paigtingin ang bilateral relations ng dalawang bansa. Nagpahayag din si Amb. Jinq ng pag-asa na mas marami pang pagbisita ang magaganap ngayong taon upang maghatid ng positibong senyales sa relasyon ng Maynila at Beijing.
Kabilang sa mga tinalakay sa pulong ang pagpapalakas ng turismo, people-to-people exchanges, at ang pagdaragdag ng mga direktang flight sa pagitan ng mga lungsod sa Pilipinas at Tsina. Binigyang-diin din ang kooperasyon sa paglaban sa mga transnational crime, ugnayang pang-ekonomiya, at ang kasalukuyang sitwasyon ng enerhiya sa rehiyon.
***
Isinusulong sa Kamara de Representantes ang pansamantalang pagsususpinde o pagpapaliban sa pagbabayad ng loan ng mga tsuper at operator upang maibsan ang epekto ng krisis sa langis.
Ipinahayag ng Landbank at Bankers Association of the Philippines (BAP) na handa silang pag-aralan ang hiling na moratorium na katulad ng ipinatupad noong panahon ng pandemya.
Ang mungkahi ay nagmula kay Quezon City Representative Franz Pumaren, chairperson ng House Committee on Transportation, matapos lumapit sa kanya ang iba’t ibang grupo ng bus, jeepney, at mga hauler o trucker.
Ayon kay Pumaren, hirap na ang mga operator sa pagbabayad ng kanilang mga loan at kaukulang penalty dahil sa liit ng kinikita bunsod ng napakataas na presyo ng produktong petrolyo.