Skip to content

April 14 - 7 am NEWS

April 14 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 14, 2026 | 8:46 AM

Posible umano na si Davao City Mayor Sebastian Duterte ang plan B kapag na-convict si Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court at hindi na maaaring tumakbo sa 2028 presidential election.

Ito ang sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio bilang reaksiyon sa mga hakbang na ginagawa ng kampo ng mga Duterte gaya ng paghalal kay Mayor Duterte bilang pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) at paglulungsad ng RAGE coalition para sa susunod na halalan.

“Malinaw na may plan B ang mga Duterte. Ito si Baste. So pinapakita na siguro, kabado ang kampo ng mga Duterte na maaaring ma-impeach at magtuloy-tuloy at ma-convict sa Senado ang Bise Presidente,” sabi ni Tinio sa pana¬yam.

“So, mauudlot ang kanyang (Sara Duterte’s) presidential bid,” sabi ng solon. “Kaya ngayon pa lang ay meron ng pinoprontang plan B ang mga Duterte. Magpapatakbo sila ng isa pang kandidato at ito ay si Baste.”

Nauna nang nagdeklara si VP Duterte na siya ay tatakbo sa 2028 presidential elections at napansin ng publiko ang paglilibot nito sa bansa na mistulang maaga umanong pangangampanya. (Billy Begas)

---- 

Salot sa lipunan ang mga fake news peddlers o ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa bansa.

Tugon ito ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa tanong kung ano ang masasabi ng Malakanyang sa naging pahayag ni Sen. Imee Marcos kaugnay sa lagay ng kalusugan ni ­Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Castro, huwag nang palawa­kin ang mga fake news peddlers dahil hindi kailangan sa lipunan ang mga tulad nila.

Sabi ni Castro, mismong si Senador Marcos na ang nagsabi na matagal na niyang hindi nakikita ang Pangulo.

Kaya tanong ni Castro, saan nakuha ng senadora ang impormasyon na may sakit ang Pangulo at pabalik-balik sa ospital kung hindi naman pala nito nakikita ang Pangulo.

Giit pa ni Castro, ang dapat intindihin ngayon ay ang ulat ng main stream media at kung ano ang nakikita tuwing nagko-cover kasama si Pangulong Marcos.

“Huwag na palawakin ang mga fake news peddlers hindi po natin sila kailangan sa ating lipunan, salot sila,” giit pa ni Castro.