Muli na namang nalampasan ang hangganan sa West Philippine Sea.
Noong Abril 6, isang eroplano ng Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng patrol malapit sa Panganiban (Mischief) Reef at Zamora (Subi) Reef ang nanganib nang magpaputok ng flares sa paligid nito ang mga pwersang Tsino.
Ang eroplano ng ‘Pinas ay wala sa lugar para mang-provoke at sa halip ay para bantayan ang ating karagatan, protektahan ang mga mangingisda, at igiit ang ating karapatang kinikilala sa ilalim ng pandaigdigang batas.
Hindi rin ito hiwalay na pangyayari.
Ilang araw matapos pasinayaan ng Pilipinas ang bagong Coast Guard base sa Pag-asa Island.
Tahimik ngunit mahalagang hakbang ito para palakasin ang ating presensya at kakayahang pangalagaan ang ating teritoryo.
Sa tuwing maayos at legal na kumikilos ang Pilipinas, may kapalit itong panggigipit. Naranasan na natin ito—water cannon, laser incidents, mapanganib na maniobra sa dagat. Ngayon, pati sa himpapawid ay dinadala na ang ganitong uri ng kilos.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia: “Ito ay malinaw na pananakot. Walang bansa na kumikilos nang ayon sa batas ang dapat ilagay sa panganib ang buhay ng kanyang mga tauhan.”
Mas nakakabahala pa rito ang tila pagiging sinadya nito. Kapag ang legal na presensya ay sinasagot ng pwersa, malinaw ang layunin—subukin kung hanggang saan ang kayang tiisin ng isang bansa.
Ngunit ang Pilipinas ay hindi basta sumusuko.
“Kapag ang diyalogo ay napapalitan ng panggigipit, hindi na ito simpleng hindi pagkakaunawaan. Ito ay pagtatangkang magdikta, at dapat itong tutulan.”
“Maliwanag ang ating paninindigan.
Hindi tayo ang nagpapalala ng tensyon. Hindi tayo naghahanap ng gulo. Nananatili lamang tayo kung saan tayo may karapatan,”
giit pa nito.
“Magpapatuloy tayo sa pagpapatrolya sa ating karagatan.
Ipaglalaban natin ang ating mga karapatan.At hindi tayo magpapasindak sa sarili nating teritoryo. Ang West Philippine Sea ay atin. At pananatilihin natin ito.
Si Dr. Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) at iba pang organisasyon.
----
Inihayag ni Finance Secretary Frederick D. Go na malaking tulong sa sambayanan ang desisyon ng pamahalaan na
bawasan ang excise tax ng kerosene at LPG.
Aniya, ito ay balanseng hakbang upang tugunan ang epekto ng umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan,sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran na nakaapekto sa pandaigdigang presyo ng langis.
Ayon kay Go isinagawa ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang masusing pagsusuri sa iba’t ibang polisiya bago irekomenda sa Pangulo ang mga hakbang upang matugunan ang agarang pangangailangan ng publiko at mapanatili ang katatagan ng ekonomiya sa pangmatagalan.
Batay sa rekomendasyon ng DBCC, inaprubahan ng Pangulo ang ganap na suspensyon ng excise tax sa kerosene at liquefied petroleum gas (LPG), bilang bahagi ng agarang tulong sa mga mamamayan.
Sinabi ni Go na sa pamamagitan ng hakbang na ito, direktang makikinabang ang mga pamilyang Pilipino at maliliit na negosyo gaya ng mga karinderya sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa pagluluto at enerhiya.
Tinatayang makatitipid ang mga konsyumer ng humigit-kumulang ?36.96 kada 11-kilogram na tangke ng LPG at ?5.56 kada litro ng kerosene dahil sa pagtanggal ng buwis.
Binigyang-diin ng kalihim na nakatuon ang tulong na ito sa mga pinaka-apektadong sektor ng lipunan, lalo na ang mga mahihirap na sambahayan.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula sa 2023 Family Income and Expenditure Survey, halos 48 porsiyento ng konsumo ng kerosene ay mula sa pinakamababang 30 porsiyento ng mga sambahayan, habang 55.7 porsiyento naman ng gumagamit ng LPG ay mula sa bottom 70%.
Ibig sabihin, hindi lamang ang pinakamahihirap ang makikinabang sa hakbang, kundi pati na rin ang mga pamilyang kabilang sa middle-income sector.
Ayon pa kay Go, ang bawat matitipid sa gastusin sa enerhiya ay maaaring ilaan ng mga pamilya sa mas mahahalagang pangangailangan tulad ng pagkain, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan.
Samantala, nilinaw ng DBCC na hindi muna isasama ang diesel at gasolina sa suspensyon ng excise tax dahil inaasahang maliit lamang ang magiging epekto nito sa presyo sa mga gasolinahan at maaari pang matabunan ng galaw ng merkado.
Dagdag pa rito, tiniyak ng pamahalaan na magpapatuloy ang pagbibigay ng mga target na subsidiya sa mga sektor na lubhang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis, kabilang ang mga drayber at operator ng pampublikong transportasyon, mga commuter, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda.
Ayon sa DBCC, patuloy nitong babantayan ang galaw ng pandaigdigang merkado ng langis at handang magpatupad ng karagdagang hakbang kung kinakailangan.
Sa huli, iginiit ng pamahalaan na layunin ng desisyong ito na maprotektahan ang kapakanan ng mga pamilyang Pilipino sa kasalukuyan, habang pinananatili ang katatagan ng pananalapi ng bansa para sa susunod na henerasyon.