Inamin ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na hindi na maibabalik sa P60 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ito’y bunsod na rin aniya ng structural damage na idinulot ng tensiyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Garin, nananatiling unpredictable ang kaguluhan sa rehiyon at kahit ngayong humupa na ang tensiyon ay maaaring matagalan pa ang pagkukumpuni sa mga oil-related facilities na naapektuhan nito.
“Kung two weeks lang ‘yung giyera, bababa. But the structural damage has already been done. It will take a long time to fix the facilities,” paliwanag pa ni Garin, sa panayam sa radyo nitong Linggo.
“Bababa man, hindi kasing bilis nu’ng pag-akyat. Baka hindi na tayo aabot ng tulad ng dati na P60 per liter ang diesel dito,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi rin ni Garin na kung tama ang implementasyon, ang fuel subsidy ng pamahalaan para sa mga jeepney drivers ay maaaring tumagal ng mula tatlo hanggang apat na buwan.
“‘Yung programang discount for jeep (fuel subsidy), inaasahan namin na basta tama ang pagkaka-implement at projection ng budget, at least a minimum of 3 to 4 months ang discount na maibibigay sa jeep,” pahayag pa ni Garin.
Una nang inianunsiyo ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na magkakaloob sila ng P10 kada litro na fuel subsidy para sa public utility vehicles (PUVs) sa loob ng tatlong buwan.
Ito ay sisimulan sa Metro Manila at limitado ng hanggang 150 litro kada linggo lamang.
----
Para protektahan ang mga Pilipino sa epekto ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis, isinusulong sa Kamara ang House Bill No. 8834 o KALINGA Act.
Layon ng panukala na maglatag ng agaran at awtomatikong tugon ng pamahalaan sa tuwing tataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Nais din ng panukala na hindi maranasan ng mga Pilipino ang matinding epekto ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis, na karaniwang nagdudulot ng pagtaas sa pamasahe, pagkain, kuryente, at iba pang pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng KALINGA Act, bubuuin ang KALINGA Program, isang whole-of-government response system na awtomatikong maa-activate kapag may mga senyales ng krisis gaya ng matinding pagtaas ng presyo ng gasolina, mataas na inflation, kakulangan sa suplay ng enerhiya, o deklarasyon ng energy emergency.
Maglalaan din ang pamahalaan ng mga subsidiya sa gasolina para sa sektor ng transportasyon, agrikultura, at pangingisda, pati na rin ng direktang tulong pinansyal sa mga low-income households at manggagawa.
Saklaw ng programa ang mga sektor na pinakaapektado tulad ng mga tsuper, magsasaka, mangingisda, manggagawang mababa ang sahod, maliliit na negosyante, at Overseas Filipino Workers.
Kasama rin ang mga hakbang upang mapanatili ang suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang ang suporta sa logistics, buffer stocking, at price monitoring.
Para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs), magbibigay ang gobyerno ng mababang interes na pautang, tax deferments, at pansamantalang moratorium sa loan payments upang maiwasan ang pagsasara ng negosyo at pagkawala ng trabaho.
Pinapayagan din ang pansamantalang suspensyon o pagbawas ng buwis sa langis at iba pang regulatory fees, na sasailalim sa regular na pagsusuri ng Kongreso.
Ang nasabing panukala ay inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos bilang tugon sa tumitinding tensyon sa Middle East na nagdudulot ng pagmahal ng produktong petrolyo. Hindi anila ito panandaliang ayuda kundi isang komprehensibong sistema ng proteksyon upang matiyak na handa ang pamahalaan sa epekto ng oil price shocks at mapangalagaan ang kapakanan ng mamamayan.