Skip to content

April 13 - 7 am NEWS

April 13 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Apr 13, 2026 | 8:41 AM

Binanatan ng Malacañang ang mga kritisismong kulang o wala umanong ginagawa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtugon sa pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng krisis sa Middle East.

"Para sabihin na walang ginagawa para maibsan ang nararamdaman natin dito sa krisis sa Middle East, ito po ay napakalaking kasinungalingan," sabi ni Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing ngayong Lunes, Abril 13.

Aniya, kapag hindi nakikita ang pangulo, hinahanap umano ito at sinasabing naospital; kapag naman nagbibigay ng ulat sa bayan, pinupuna pa rin.

"Saan ninyo gusto lumugar ang isang pangulo?" sabi ni Castro.

Giit niya, hindi umano naaapektuhan si Marcos sa mga kritisismong "walang basehan," at patuloy siyang nagtatrabaho para sa taumbayan at "hindi para doon lamang sa mga pumupuna nang walang basehan."

Ito ang tugon ng Palasyo sa pahayag ng Makabayan bloc na pumuna sa pagkilos ng gobyerno kaugnay ng sitwasyon sa Middle East.

"We also criticize the Marcos administration’s response which has been reduced to being an announcer of possible rollbacks, targeted subsidies and limited programs while failing to deliver substantial relief commensurate to the crisis," anila.

----

Nagpadala ng audio message si Sen. Bato dela Rosa sa paglunsad ng Reform Alliance for Good Governance and Accountability (RAGE) Coalition na ginanap sa San Juan City nitong Linggo, Abril 12.

Ayon kay Dela Rosa, ang naturang koalisyon ay isang pagkakaisa ng iba’t ibang pwersa na handang “tumindig para sa katotohanan, pananagutan, at kapakanan ng sambayanang Pilipino.”

Kinabibilangan ng RAGE ang Partido Demokratikong Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-Laban), Partido Reporma, at Reform PH.

Huling nakita sa Senado si Dela Rosa noong Nobyembre 2025 matapos sabihin ni Ombudsman Boying Remulla na nag-isyu umano ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban sa senador.

Pinangalanan naman ng ICC Proseuction si Dela Rosa noong Pebrero 13, 2026 bilang isa sa mga umano'y "co-perpetrators" ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang giyera kontra droga.

Naitala ang 31 na pagliban niya batay sa roll call report ng Senado mula Hulyo 28, 2025 hanggang Marso 18, 2026, at siya ang may pinakamaraming pagliban sa nasabing panahon.