Nagkasundo ang Russia at Ukraine na magkaroon ng ceasefire para bigyang daan ang pagdiriwang ng Orthodox Easter.
Mismong si Russian President Vladimir Putin ang nag-utos sa kaniyang mga sundalo na itigil ang pag-atake.
Magsisimula ang ceasefire mula Abrill 11 hanggang sa araw ng Linggo.
Umaasa ito na susunod din ang Ukraine sa nasabing panawagan niyang tigil putukan.
Una ng inakusahan ni Ukraine President Volodymyr Zelensky ang Russia na hindi nila tinanggap ang kanilang panawagan ng ceasefire para sa pagbibigay daan ng Orthodox Easter.
Magugunitang noong Mayo ng nakaraang taon ay nagdeklara din ang Russia ng unilateral ceasefire dahil sa pagdiriwang ng kanilang ika-80 anibersaryo ng Soviet victory laban sa Nazi ,Germany.
----
Nagpapakita ng tensyon ang umiiral na dalawang linggong ceasefire sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, isang araw bago ang inaasahang negosasyon sa Pakistan. Inakusahan ng Washington ang Tehran ng paglabag sa kasunduan, partikular sa usapin ng Strait of Hormuz, habang patuloy naman ang pag-atake ng Israel sa Lebanon na sinasabing lumalabag din sa tigil-putukan.
Wala pa ring indikasyon na aalisin ng Iran ang halos total blockade sa Strait of Hormuz, na nagdulot ng matinding pagkaantala sa global oil supply. Iginiit ng Iran na ang patuloy na opensiba ng Israel sa Lebanon ang pangunahing hadlang sa ganap na pagpapatupad ng kasunduan.
Samantala, sinabi ni US President Donald Trump na hindi nasusunod ng Iran ang napagkasunduan hinggil sa pagpapadaan ng langis sa naturang strait. Gayunman, nagpahiwatig siya na maaaring muling bumalik sa normal ang daloy ng langis, bagamat walang detalyeng ibinigay.
Sa unang 24 oras ng ceasefire, iisang oil tanker at limang cargo ships lamang ang nakadaan sa Strait of Hormuz—malayong-malayo sa karaniwang daloy na umaabot sa humigit-kumulang 140 barko kada araw bago ang sigalot.