Tiniyak ng Department of Health (DOH) kahapon na wala pang magaganap na pagtataas ng presyo ng medisina sa bansa, sa kabila ng krisis sa langis.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, walang mararamdamang pagtataas ng presyo ng gamot hanggang Hunyo 2026.
Kung may karagdagan man aniyang gastusin ay kalimitang galing ito sa hirap sa logistics at transportasyon.
“Hindi lang ang gamot, lahat naman ‘yan eh pati mga gulay, pati mga ibang mga bagay ay naaapektuhan dahil sa sigalot sa Gitnang Silangan. Tuloy pa rin po ang mga presyo, walang tumataas,” aniya pa.
Siniguro rin naman ni Domingo na handa ang pamahalaan na sagutin ang anumang labis na halaga ng medisina at medical supplies sakaling tumaas ang presyo nito sa Hulyo.
“Sa mundo ng kalusugan, meron tayong financing arm, ‘yan po ang PhilHealth. Ang PhilHealth ay maaaring magtaas ng benepisyo basta po sigurado at nag-ongoing na ‘yung ating mga usapan sa ating mga industriya na tama ‘yung deklarasyon na ito ba talaga ‘yung nakasulat sa libro nila na pasweldo, pakuryente, pagasolina,” pahayag pa ni Domingo.
“Basta ang importante po sa amin is ‘yung sinasabi namin dati na unbundling or breakdown nung mga costs para makita natin ‘yung mga libro kung ano ba rito talaga ‘yung dahilan nung pagtaas nung presyo,” aniya pa.
----
Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatupad ang Department of Transportation (DOTr) ng service contracting program para sa mga operators at drivers ng mga pampublikong sasakyan simula Abril 15.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na ito ang kanilang napagkasunduan matapos ang pagpupulong ng Unified Package for Livehoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) committee.
Ayon kay Marcos, sa ilalim ng programa babayaran ng gobyerno ang mga operator at drivers ng mula P40 hanggang P100 kada kilometro para maging dagdag sa kanilang kita mula sa pamasahe.
Para naman sa mga commuter, may 20% diskwento sa pamasahe kung saan ang mga ruta nito ay nakatuon sa mga lugar na may koneksyon sa tren at pangunahing mga ruta ng bus para mas maging maayos, mabilis, at maasahan ang biyahe.
Ang service contracting program ay ipapatupad sa buong bansa at sasaklaw ito sa humigit kumulang na 50,000 na PUV, 1,000 operators, at aabot sa 15,000,000 pasahero.
Ayon pa kay Marcos, ipapatupad din ang nasabing programa sa off peak hours para masigurong may masasakyan pa rin ang ating mga kababayan kahit hindi sa rush hour.
Lahat din ng sasali sa programa ay may GPS monitoring para masiguro na aktuwal ang biyahe at maayos ang serbisyo.