Umabot na sa 845 indibidwal ang natugunan ng Philippine Red Cross sa ika-apat na araw ng Holy Week Operations 2026.
Sa bilang na ito, 789 ang sumailalim sa vital signs monitoring, habang 49 ang tinukoy na may minor cases gaya ng abrasion, blister, panghihina ng katawan, pasa, pagkahilo, pagkaputla, LBM, pilay, pulikat, sugat, pananakit ng tiyan, at iba pang bahagyang pinsala.
Mayroon ding 4 major cases ng hypertension na naitala, at 3 pasyente ang kinailangang isugod sa ospital dahil sa multiple injuries, fall incident, at pagkawalang malay.
Sa aspeto ng welfare assistance, anim na indibidwal ang naasistehan — tatlo sa pamamagitan ng referral, at tatlo sa pamamagitan ng wheelchair assistance.
****
Makakatanggap ng agarang tulong pinansyal ang mga miyembro ng Government Service Insurance System o GSIS matapos ilunsad ang isang modified na 3-buwang loan moratorium, bilang tugon sa epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa halip na ang nakasanayang pagpapatigil ng paniningil, inilatag ng ahensya ang Balik Ginhawa Program.
Sa pamamagitan nito, direktang ibabalik ng GSIS sa accounts ng mga aprubadong aplikante ang tatlong buwang halaga ng kanilang loan payments bilang isang lump sum. Saklaw ng nasabing refund ang panahon mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026.
Nilinaw ng GSIS na sa ilalim ng bagong mekanismo, magpapatuloy pa rin ang salary deductions ng mga miyembro, ngunit papahabain ang kabuuang loan term ng karagdagang tatlong buwan nang walang ipapataw na dagdag na interes o penalties.