Skip to content

April 1 - 6 am NEWS

April 1 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Apr 01, 2026 | 6:30 AM

Nakapagtala na ng pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa bansa ngayong Miyerkules Santo, Abril 1.

Ito ay sa gitna ng pagsisimulang pagbiyahe ng marami pauwi sa kani-kanilang probinsiya para gunitain ang Semana Santa.

Sa monitoring ng Philippine Coast Guard hanggang umaga nitong Miyerkules, nakapagtala ang ahensiya ng 22,135 outbound passengers at 22,503 inbound travelers, na nasa kabuuang mahigit 44,000 indibidwal na nagtungo sa mga pantalan sa bansa.

Kahapon, Martes Santo, nakapagtala ang mga awtoridad ng 186,952 outbound passengers at 152,492 inbound travelers, o sa kabuuan, nasa halos 340,000 pasahero.

Base sa pagtaya ng Philippine Ports Authority (PPA), inaasahang papalo sa 2.46 milyon ang mga pasaherong daragsa sa mga pantalan mula Marso 29 hanggang Abril 15.

**

Target ng Department of Education (DepEd) na mabigyan ng promosyon ang nasa 100,000 mga guro at school heads bago matapos ang taong kasalukuyan, bilang bahagi ng mas pinalawak na suporta at reporma para sa sektor ng edukasyon sa bansa.

Inihayag ito ng kagawaran kasabay ng pagtatapos ng School Year 2025-2026 at sa opisyal na pagsisimula ng isang buwang bakasyon ng mga guro nitong Abril 1.

Ayon sa DepEd, ang nasabing target ay maisasakatuparan sa ilalim ng Expanded Career Progression System, na naglalayong magbigay ng mas malinaw at mabilis na proseso ng promosyon para sa mga educator.

Ang hakbang na ito ay resulta ng serye ng mga pambansang konsultasyon at pagbisita sa mga paaralan.