Isang French oncologist at dating tagapayo ng World Health Organization (WHO) ang nagsasabing ang harm reduction ay mahalaga para masugpo ang mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo.
Ayon kay Dr. David Khayat, isang propesor sa Pierre et Marie Curie University sa Paris na nagsilbi ring tagapayo ni dating Pangulong Jacques Chirac ng France, nabigo ang mga hakbang sa pagkontrol ng tabako na pinamumunuan ng WHO, at kinakailangan ang mga bagong solusyon para sa mga naninigarilyo na ayaw tumigil.
Aniya, pagkatapos ng 30 taon ng pagbubuwis, mga babala at pagbabawal, kailangang aminin ng WHO na nabigo itong patigilin ang paninigarilyo.
Ang katotohanan ay kailangan ng mga bagong solusyon para tulungan ang mga tao at bawasan ang pinsala para sa mga hindi kayang tumigil sa paninigarilyo, dagdag niya.
Ang paninigarilyo ang pangunahing maiiwasang sanhi ng kamatayan sa buong mundo na nagdudulot ng malaking krisis sa kalusugan ng publiko.
Ang mga non-communicable diseases (NCDs), kasama ang kanser, ay responsable para sa halos 75 porsiyento ng lahat ng taunang pandaigdigang pagkamatay, ayon kay Khayat.
Binigyang-diin ni Khayat ang isang mahalagang katotohanan na ang nikotina mismo ay hindi nagdudulot ng kanser.
Naninigarilyo ang mga tao para sa nikotina ngunit namamatay sila mula sa mga nakakalason na kemikal na inilalabas ng usok sa pagsunog ng tabako. Ang nikotina ay hindi nagdudulot ng kanser, at ang nasusunog na tabako ang may gawa nito, ayon kay Khayat.
Bagama’t ang pagtigil sa paninigarilyo ang pinakamahusay na opsyon, sinabi ni Khayat na ito ay lubhang mahirap.
Inalala niya ang isang karanasan sa France na pinamunuan niya bilang tagapayo ng pangulo, kung saan 1.8 milyong naninigarilyo ang tumigil, ngunit halos lahat sila ay bumalik sa paninigarilyo sa loob lamang ng 3 taon.
Nabigo ang mga dekada ng interbensyon—tulad ng pagtaas ng buwis sa sigarilyo, pagdaragdag ng mga babala sa kalusugan, pagpapatupad ng plain packaging at pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar—na pigilan ang paninigarilyo para manatili itong numero unong sanhi ng NCDs ngayon, sabi ni Khayat.
Sinabi niya na kapag sinubukan ng mga tao na ipagbawal ang isang pag-uugali tulad ng paninigarilyo, madalas itong humahantong sa negatibong kahihinatnan.
Sinabi ni Khayat na kapag sinubukang ipagbawal ito, ito ay magpapalawig lamang ng illicit trade, tulad ng nangyari sa Estados Unidos noong 1920s sa panahon ng prohibition.
Binanggit niya na kahit ang karamihan ng mga pasyente ng lung cancer ay patuloy na naninigarilyo pagkatapos ng kanilang diagnosis.
Bilang isang medical oncologist, sinabi ni Khayat na habang marami ang naniniwala na ang kanser ay pangunahing namamana (hereditary), 95 porsiyento ng mga kanser ay talagang sanhi ng pagkakalantad sa isang carcinogen na sumisira sa DNA.
Sinabi ni Khayat na ang usok ng sigarilyo ang nagdudulot ng kanser dahil ang pagsunog ng dahon ng tabako ay lumilikha ng mahigit 6,000 kemikal, kabilang ang mga 80 kilalang carcinogens at ultrafine particles.
Ang mga kemikal na ito mula sa usok ang tunay na may sala sa likod ng mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo, aniya.
Binanggit niya ang dose-response relationship—kung saan ang mas malaking dami ng pagkakalantad sa isang carcinogen ay mas mataas ang panganib na magkaroon ng kanser. Ito ay pundamental na batayan para sa ideya ng harm reduction.
Pormal na sinabi ng mga opisyal ng kalusugan sa buong mundo, kabilang ang WHO at ang Food and Drug Administration, na ang nikotina ay hindi isang carcinogen.
Bago pa naimbento ang smoke-free alternatives, ang tradisyonal na sigarilyo (combustible cigarettes) ang tanging paraan para makakuha ng nikotina.
Ang klinikal na pag-aaral ni Khayat ay lalo pang nagpatibay sa kanyang paniniwala sa harm reduction.