Mas maraming Pilipino ang walang trabaho nitong Abril ng kasalukuyang taon kumpara noong 2025 sa parehong buwan, ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority.
Batay sa tala ng ahensya, tinatayang nasa 2.41 milyong indibidwal ang walang trabaho nitong Abril 2026, mas mataas kumpara sa bilang na 2.06 milyong mga unemployed noong Abril 2025.
Sa esensya, 47 sa bawat 1,000 tao ng kabuang labor force o lakas paggawa ng Pilipinas ang maituturing na unemployed o walang trabaho at pinagkakakitaan.
Tumutukoy ang labor force o lakas paggawa sa bahagi ng populasyon na edad 15 pataas na may kakayahang maghanap ng trabaho at maging isang manggagawa.
Ayon sa PSA, nasa 51.30 milyong Pilipino ang kalahok sa lakas paggawa ng bansa nitong Abril.
Bagama’t dumami ang mga unemployed, tumaas din naman ang bilang ng mga Pilipinong manggagawa. Mula sa 48.67 milyong indibidwal na may trabaho noong Abril 2025, naging 48.89 milyon na ito nitong kaparehong buwan ng kasalukuyang taon.
Pinakamaraming manggagawa ang naitala sa sektor ng paglilingkod o serbisyo na bumubuo sa 62.3% ng kabuuang bilang may trabaho, o nasa mahigit 30 milyong indibidwal.
Sinundan ito ng sektor ng agrikultura na may 19.4% o mahigit siyam na milyong bilang, at sektor ng industriya na kinabibilangan ng pagmamanupaktura, pagmimina, konstruksyon, at pampublikong serbisyo na may 18.3% o mahigit walong milyon.
Mayorya sa mga manggagawa ang kabilang sa sahuran at swelduhang paggawa (64.4%), sinusundan ng mga self-employed (27.8%), mga trabahador sa kani-kanilang sariling pamilya na hindi binabayaran (5.8%), at mga trabahador sa mga sakahan o negosyong pag-aari ng sarili nilang pamilya (2.0%).
Ang mga sahurang manggagawa ay tumutukoy sa mga trabahador na binabayaran ayon sa kanilang araw-araw na trabaho tulad ng mga pabrikante, samantalang ang mga swelduhang manggagawa naman ay mga trabahador na binabayaran kada buwan ayon sa kanilang propesyon.
Bukod dito, inilantad din sa datos ng PSA na dumami rin ang mga Pilipinong underemployed. Batay sa tala, 7.41 milyon sa bilang ng mga manggagawa ang nagsabing naghahangad sila ng mas mahabang oras ng pagtatrabaho, dagdag na pagkakakitaan, o hindi naman kaya’y bagong trabaho na may mas mahabang oras.
Nagbigay naman ng pahayag ang Malacañang ukol sa dumaming bilang ng mga Pilipinong may trabaho.
“Naging maganda po ang resulta pero hindi po ito pababayaan. Kahit medyo nag-increase po ang employment rate, patuloy pa rin po ang ating gobyerno sa paglikha ng dekalidad na trabaho at pagbibigay ng mga livelihood project sa ating mga kababayan,” saad ni Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing noong Hunyo 8, Martes.
Samantala, sa pahayag naman ng Kilusang Mayo Uno nitong Hunyo 3, sinabi ng grupo na bagama’t wala na sa listahan ng 10 Worst Countries for Workers ng Internationa Trade Union Confederation (ITUC) ang Pilipinas, hindi ito nangangahulugan na nagkaroon na ng progreso dahil nananatili pa ring walang garantiya ang mga karapatan ng manggawa sa bansa bunsod ng kabi-kabilang paglabag sa kanilang kalayaan.
---
Inisnab ng 18 mga dating bagmen ni dating congressman Zaldy Co ang Senate Blue Ribbon committee ni Sen. Erwin Tulfo kahit pa inimbitahan sila at nagtungo sa Senado.
Sa halip na dumiretso sa plenaryo, sa tanggapan ni Sen. Robin Padilla nagtungo ang 18 na personal pang sinundo ni Padilla saka dinala sa kanyang opisina na nasa ikalimang palapag ng Senate building.
Dumating din ang abogado ng 18 na si Atty. Levito Baligod pero hindi rin ito nagpakita sa plenaryo.
“Sa kabila ng ating imbitasyon sa kanila na dumalo sa pagdinig, mas gusto nilang magtungo sa opisina ni Sen. Robin Padilla at doon mag-monitor at mag-live din…at magpa-presscon,” sabi ni Tulfo. “They’re here in the building…pero ayaw po nilang bumaba dito.”
Nagbabala naman si Sen. Francis Pangilinan na ang patuloy na pagtanggi ng grupo na dumalo sa imbestigasyon ay maaaring mauwi sa isang contempt citation.
“Maaari natin, sa tamang panahon, pilitin sila na dumalo, i-subpoena sila at kung tumanggi sila, maaari nating ipa-cite sila sa pag-contempt at baka arestuhin - kapag ang Blue Ribbon ay ganap nang nabuo,” ani Pangilinan.
Sinabi naman ni acting Senate President Sherwin Gatchalian na nais niyang tanungin ang 18 dating bodyguards tungkol sa mga “gaps” at “inconsistencies” sa kanilang mga sinabi. Hindi rin aniya dapat mamili ang 18 kung saan nila gustong magsalita.
Nauna rito, umangal ang Armed Forces of the Philippines sa pagtawag sa 18 indibiduwal na mga ex-marines dahil hindi naman umano lahat ng mga ito ay naging sundalo dahil 12 sa kanila ay natanggal dahil sa iba’t ibang kaso.